Sunday, March 11, 2012

Coco Martin, Excited sa pagtatambal nila ni Judy Ann Santos.

Sobrang saya ng multi-awarded actor na si Coco Martin dahil consistent top-rater sa primetime block ang Walang Hanggan. Malaki ang pasasalamat niya sa manonood na patuloy na tumututok sa pag-iibigan nina Daniel at Katerina kahit na patuloy silang pinaglalayo ng tadhana sa storya. Nang kamustahin ng Push kung lumalalim na rin ba ang samahan nila off cam, consistent din si Coco sa pagsasabing wala siyang balak ligawan ang leading lady niyang si Julia Montes.

Mas pinangangalagaan daw ni Coco ang magandang samahan nilang bilang magkatrabaho. “Well, hindi, e, bantay-sarado siya ng lola niya. Pero magkasundo naman kami ng lola niya. Sobrang bata po talaga niya, e. Pero hindi naman sa ayoko, ang sa akin naman kasi, kapag hinaluan ko ng mga ganyan baka magkaroon pa ng problema. Maganda na ang ganito, kahit alam naming mahirap ang proyekto, ‘pag nagkakasundo kayong lahat, magiging magaan ang lahat.”

Itinanggi rin ni Coco na ang gusto niyang pormahan ay ang isa pa niyang co-star na si Melissa Ricks. “Si Mel close din kami niyan. Pareho kasi kami ng road manager. Pero walang ligawan na nangyayari.” Ang kanyang showbiz career daw talaga ang prioridad niya ngayon. “Hindi ko rin naman nararamdamang boring ang love life ko dahil sa pagod. Kumbaga, pagkatapos ng trabaho, kaysa kung saan-saan pupunta, e, pahinga na lang. Anyway, darating din naman nang kusa ’yan. Alam ko na darating din ang time na iikot din para sa puso ko naman.

Samantala, excited si Coco sa nalalapit na tambalan nila ni Judy Ann Santos sa isang pelikula. Natawa naman si Coco nang malamang ”bagets” ang tawag sa kanya ni Judy Ann kapag nababanggit siya sa press interviews ng aktres. “Hindi pa kasi kami nagkakasama. Baka kasi ang akala niya sa akin, bagets pa talaga at inosente pa. Pero sabi ko nga, nung makita ko siya noon sa Anak TV [Awards], e, hindi ko alam kung paano siya lalapitan. Kasi Judy Ann Santos ‘yan, ‘di ba? Pero nang magkalapit na kami, e, nilakasan ko na ang loob ko at sabi ko, ‘Ms. Judy Ann, congratulations po.’ Ngumiti naman siya sa akin.” Bandang latter part pa ng Marso sila maaaring magsimulang mag-shooting dahil busy pa sila sa kani-kanilang proyekto.

No comments:

Post a Comment