Wednesday, July 11, 2012

Eric Quizon Sinaving Handa Ang Kanyang Ama sa Kamatayan

Nakalagak ngayong gabi ang mga labi ng Hari ng Komedya na si Dolphy sa Dolphy Theater ng ABS-CBN.
Ang nasabing studio ng Kapamilya network ay ipinangalan kay Dolphy bilang pagbibigay-pugay sa beteranong komedyante, na naging bahagi ng ABS-CBN sa mahabang panahon.
Dinala ang mga labi ng Comedy King sa Dolphy Theater kaninang hapon, Hulyo 11, mula sa Heritage Memorial Park.
Mananatili roon ang mga labi ng beteranong aktor hanggang bukas ng madaling-araw, Hulyo 12, at ibabalik muli sa Heritage Park.
Sa labas ng Dolphy Theater ay nakausap ni Korina Sanchez, para sa TV Patrol World, ang dalawang anak ng Comedy King na sina Eric Quizon at Vandolph.
Si Eric ay anak ni Dolphy sa dating aktres na si Pamela Ponti (Baby Smith), samantalang si Vandolph naman ay anak niya sa actress-politician na si Alma Moreno.
STILL WILLING TO FIGHT, BUT... Ilang araw bago bawian ng buhay si Dolphy kagabi, Hulyo 10, ay balitang bumubuti na ang kalagayan nito at sinasabi pang gusto na raw nitong umuwi. Kaya naman marami ang nagulat nang mabalitaan ang pagpanaw ng Comedy King.
Ano nga ba ang nangyari at biglang nagbago ang kundisyon ni Dolphy?
Kuwento ni Eric, “It really started nung Wednesday [July 4] last week nung he had pneumonia…
“Ang nangyari kasi, it was the last antibiotic na puwede niyang tanggapin, ng katawan niya. So it was the last resort.
“So, kumbaga, nung time na ‘yon, nag-improve siya, then it came to a point na parang nagre-resist.
“But somehow, na-contain ng antibiotic yung pneumonia niya… Kumbaga, lahat na ng other antibiotics na mas malakas… resistant na siya.
“And then his vitals improved over the weekend. He was fine.
“And then it came to the point na he couldn’t handle the… he was willing, he was fighting, but the body could not contain the medication anymore.
“Kaya it came to a point na yung BP [blood pressure] niya, bumabagsak na.
“So naapektuhan na yung puso niya and all the other organs. So nagkaroon siya ng multi-organ failure.
“And of course, yung huli, cardiac arrest.”
Ayon sa official statement ng Makati Medical Center, kung saan na-confine si Dolphy ng isang buwan, ang ikinamatay ng Comedy King ay “multiple organ failure secondary to complications brought about by severe pneumonia, chronic obstructive pulmonary disease, and acute renal failure."
Si Dolphy ay 83 years old. Ipagdiriwang sana niya ang kanyang ika-84 na kaarawan sa July 25.
"UWI NA TAYO." Habang naka-confine si Dolphy sa ospital ay si Eric ang nagsilbing spokesperson ng pamilya Quizon. Ngunit nang bawian ng buhay ang kanyang ama ay nagkataong wala ang actor-director.
Nasa mabalitaan ni Eric ang pagpanaw ng kanyang ama ay nasa Bataan siya para sa taping ng teleseryeng idinidirek niya para sa TV5, ang Enchanted Garden.
Sabi ni Eric, hindi rin niya akalain ang pagkawala ng ama kagabi.
Dahil gumagaling na raw ang pneumonia ng Comedy King ay inisip daw nilang mauuwi na nila ito pagkatapos ng mahigit sa isang buwang pagkaka-confine sa ospital.
“Yun ang hiling niya talaga, ‘Uwi na tayo, uwi na tayo.’
“Kaya we were really hoping na makakauwi siya, that’s why we were all surprised.
“But not really surprised because it’s been a month. He was really fighting really hard for his life.
“And like I said earlier, he was willing but the body was not… kumbaga, hindi na kaya ng katawan.”
A MIRACLE. Bago bawian ng buhay si Dolphy, may pagkakataong bumuti ang kalagayan nito, na naging pagkakataon para magkaroon sila ng konti pang oras kasama ang kanilang ama.
Sabi ni Vandolph, “Ang pinakaimportante po do’n na lahat kaming magkakapatid, nagkaroon ng moment with our father…”
Dagdag naman ni Eric, “I think my dad wanted us to be together. He just wanted everyone to be there—maging magkasama-sama.
“Kasi kumbaga, parang he waited for all my other siblings to come.
“‘Tapos yun na nga, nagkaroon ng mas mahabang panahon sa kanya—yun din naman ang hiniling namin.
“That’s why when we asked for prayers for the first time, that’s why we were all very happy, because of that particular time, we thought that we are going to lose him.
“But somehow our prayers were answered so, yes, we consider it a miracle.
“Kumbaga, isa siyang milagro, isa siyang blessing na ibinigay sa amin ng Diyos—na makapiling pa namin nang mas mahaba yung…”
May pagkakataon din daw na naidilat pa ng Comedy King ang kanyang mga mata at ngumingiti rin daw ito.
Kuwento ni Eric, “Yes, he was smiling, he was saying ‘I love you.’ He was… especially to the girls, kumi-kiss siya talaga.”
Nagsilbi nga raw “extension” ang sandaling iyon para sa kanila.
Ani Eric, “Even if it was an ordeal, not just for my father but for all of us, it was what we wanted.
“We wanted that moment to be with him. We wanted that time to be with him.
“So, kumbaga sa amin, isang malaking bonus time ‘yon sa Panginoon, na binigyan Niya kami ng mas mahabang panahon na makasama namin ang dad ko.”
Ayon naman kay Vandolph, hindi na raw nagbilin sa kanila ang Comedy King dahil matagal na raw itong ginawa ng kanilang ama. Araw-araw nga raw silang binibilinan nito.
“Lalo ako!” natatawang sabi ni Vandolph.
Buung-buo ang role ni Mang Dolphy bilang ama sa kanilang magkakapatid?
“Yes, nakita n’yo naman po, ang meron lang po sa mundo kaming magkakapatid, e. Kami lang ho yung magtutulungan siyempre…” ngunit hindi na naipagpatuloy ni Vandolph ang sasabihin dahil naging emosyunal na siya.
DOLPHY PREPARED THEM. Sabi naman ni Eric, sa isang banda ay naihanda na sila ng kanilang ama sa pagpanaw nito.
“Somehow, he prepared us because he knew that he was sick five years ago.
“So, kumbaga, alam namin na meron siyang ganitong kundisyon.
“Alam namin na he had COPD [chronic obstructive pulmonary disease]. Alam namin na may mga complications.
“He was walking around with an oxygen concentrator with him.
“So just seeing him through all of that, kumbaga, somehow na-prepare kami of the inevitable.
“Although siyempre, hindi natin iniisip ‘yon.
“As a family, dapat… kumbaga, dapat pinaghahandaan yung mga ganitong bagay. Siguro ginusto niya na maging handa kami.”
Dagdag pa ni Eric, nagsilbing “anchor and captain” ang ama sa kanilang magkakapatid.
“So nasa taas, nasa baba namin siya.”
Ano naman ang pangako nila sa kanilang ama bilang magkakapatid?
Ayon kay Eric, “We all promised naman that we’ll all be one for him… gusto niyang maging isang buong pamilya kami.
“Kumbaga, walang half—walang half-brother, walang half-sister. Kumbaga, buo, totoo, magkakapatid kami, isang familia.”
Tugon naman ni Vandolph, “I’ll be a good brother and a good father to my kids.”



No comments:

Post a Comment