Sunday, July 22, 2012

Marian Rivera bagay na bagay maging Jack sa Jack n Jill

Mula sa matagumpay niyang role na bakla sa hit movie na Zombadings.., inilahad ni Mart Escudero ang pangarap niyang magampanan ang role na “Jill" sa classic movie na Jack en Jill na nagpasikat sa pumanaw na Comedy King na si Dolphy.

Sa isinulat na artikulo ni Nonie V. Nicasio sa Hot Pinoy Showbiz nitong Biyernes, tinukoy naman ni Mart ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera na bagay na gumanap sa karakter bilang si “Jack."

Aminado si Mart na magiging malaking hamon sa kanyang kakayahan bilang aktor kapag magkaroon ng katuparan ang kanyang pangarap na magawa ang Jack en Jill.

Handa rin naman daw ang aktor na tanggapin ang lahat ng pagsubok pati na ang posibilidad na ikumpara ang acting niya sa naging pagganap noon ni Dolphy sa naturang karakter.

“Siyempre original na gawa iyan ni Dolphy. ‘Andyan talaga iyong pressure at hindi mawawala iyan, kaya hindi na natin kailangang isipin iyan," ayon sa Starstuck alumni na si Mart.

“Basta ang kailangan lang, gawin ko lahat ang makakaya ko. Pigain ko ang acting ko, ang kakayahan ko. Sobrang paghahandaan ko talaga ito," dagdag niya.

Nitong nakaraang Marso, ipinagkaloob ng Entertainment Press Society kay Mart ang award para sa Best Performance by an Actor in Comedy para sa kanyang role sa Zombadings: Patayin sa Shokot si Remington.

Patuloy ng aktor, sa lahat ng nagawang movies ni Dolphy, ang Jack en Jill ang isa sa kanyang mga gusto.

Taong 1954 nang gawin ng nagsisimula pa lamang noon na aktor na si Dolphy ang Jack en Jill na unang nilikha bilang serye sa komiks ng manunulat na si Mars Ravelo.

Ginampanan ni Dolphy sa naturang pelikula ang karakter na payat na bakla na si “Jill", at nagsilbing bruskong kapatid niya sa pelikula si Lolita Rodriguez, bilang si “Jack."

Gusto ni Jack na maging tunay na lalaki si Jill kaya handa siyang makipagkasundo sa sinumang manliligaw niya na magagawang tunay na lalaki ang kapatid.

Ayon kay Mart, handa siyang magpapayat katulad ni Dolphy kung kakailangan para makuha ang karakter na Jill.

“Depende sa kakailanganin ng karakter. Pero, kayang-kaya kong gawan ng paraan iyan," ayon sa aktor.

At nang tanungin kung sino sa palagay niya ang okay na makasama niya na gaganap bilang Jack," sagot ni Mart:

“Isa sa mga gusto kong makasama at sa tingin ko ay okay na okay para sa role na Jack ay si Marian [Rivera]. Si Ate Marian.

“Kasi, unang-una ay kapatid ko kasi siya sa showbiz. At saka iyong karakter na Jill, di ba medyo brusko?

“Kaya sa tingin ko, bagay na bagay iyon kay Marian at pasok talaga sa kanya iyong role," paliwanag niya.

Okey din umano kung ang mahusay na aktres na si Judy Ann Santos ang gumanap sa karakter na si Jack, dagdag ni Mart.

No comments:

Post a Comment