Thursday, August 16, 2012

Vice Ganda shares his relief-operation experience during the wrath of habagat

Sa unang gabi pa lang ng pananalasa ng Habagat at sa kasagsagan ng paglilikas ng mga kababayan natin sa mga evacuation centers, hindi na nag-atubili pa si Vice Ganda na magbigay ng tulong sa pamamaraang alam niyang mabilis. “Bumili na lang ako ng burger eh nung pagdating ko naman dun ang dala ko lang good for 300 persons e mga 5000 pala yung mga tao dun nakakaloka. E pinasok na rin ng tubig yung ibang pasilidad ng simbahan (Sto. Domingo Church) kaya yung mga kaibigan ko din basang-basa nakakaawa tapos puro bata, kaya nung pumunta ako dun sabi ko pasensiya na po kayo hindi sapat yung dala ko pero pantawid gutom na lang po susubukan kong bumalik bukas and the following night bumalik ako ulit,” kwento nga ng host/comedian.

At sa pagbalik niya nga kinabukasan ay hindi naman niya nabigo ang ilang mga umasa sa kanyang binitawang salita. “The following night meron na akong mga dalang tubig, cookies, mga noodles, mga juice, ayun saka hindi lang Sto. Domingo ang napuntahan ko nakapunta din ako ng Mt. Carmel dumaan pa ako ng San Juan, sa isang barangay dun sa San Juan pero kaunti lang naman ang tao dun sa barangay na pinuntahan ko parang 100 something lang kaya naikot at nakalat ko yung mga naiprepara kong foods e pinagtulung-tulungan din yun ng mga kaibigan ko. E nung nalaman nung mga kaibigan ko yun e nagtawagan din sila sa akin na ‘Anong kailangan mo? Magpapadala kami.’”

Ibinahagi din ni Vice ang operasyong ginawa nila para sa Sagip Kapamilya kasama ang matalik na kaibigang sina Anne Curtis at Queen of All Media, Kris Aquino. “Sumama naman ako sa Sagip Kapamilya at pumunta kami sa Sta. Lucia sa Pasig na ang daming pamilya na nakakaloka kasama ko si Anne, si Tita Cory Vidanes si Richard Gomez. Si Kris, Si Angel Locsin at Iza Calzado kasama din namin dapat dun pero nadelay yung dating nila kasi galing din sila ng Malabon, eh yung Malabon lagpas bewang pa rin ang baha kaya naantala sila at hindi na namin sila naantay kaya kami na ang nagpamigay nung goods.”

Sa pagsaksi niya sa kalagayan ng ilang mga kababayan nating natamaan at nasalanta dahil sa bagsik ng Habagat na nagdulot ng matinding pagbaha sa maraming lugar sa Kamaynilaan at ibang karatig-lugar hindi na naitago ni Vice ang lungkot sa kalunos-lunos ding pangyayaring ito sa ating mga kapamilyang nasalanta, “Siyempre nakakalungkot kasi ang dami talagang mga bata, nakakalungkot na yung pangyayari pero mas nakakasugat ng puso yung mga bata. Pagdating ko nga dun sa Sto. Domingo, Diyos ko, parang three fourths dun mga bata parang sa isang magulang yata sampung bata ang quota nila. Parang bakit ganito karami ang mga bata, nakakadurog ng puso, ang bata-bata pa pero hindi ko naman pwedeng sisihin ang mga magulang kaya lang hindi nila deserve yung mga ganun, hindi nila deserve yung buhay na hinaharap nila.”

Marami ding kumwestiyon kay Vice sa ginagawa niyang pagtulong at para sa kanya, “Tinanong nga nila ako bakit ka tumutulong? Tumutulong kasi hindi lang sa gusto mo lang tumulong kung di masaya akong ginagawa ito, ito yung isang bagay na pag ginawa ko napapasaya ko ang sarili ko, napapasaya ko ang nanay ko, napapasaya ko ang Diyos ko, saka hindi lang naman natatapos ang pagiging entertainer mo sa pagiging komedyante, mapapakita mo pa yung value mo bilang isang artista at bilang isang totoong tao pag wala nang kamera.”

At sa lahat ng pangyayaring ito ang hiling ni Vice ay sana matuto na tayo sa delubyong naranasan natin. “Alam naman natin na unti-unti na tayong binabawian ng kapaligiran kaya sana matuto tayo sa mga pangyayaring ito, sa mga trahedya makaiwas sa mga ganitong pangyayari ulit para hindi na maulit saka sa mga tao, huwag matigas ang ulo e ang dami rin kasing matigas ang ulo kaya nasasalanta hindi dahil sa hindi kayo nabigyan ng tulong kungdi yung iba nasalanta kasi matigas din ang ulo. Sana matuto tayo magkaroon ng disiplina at mahalin natin ang sarili natin, mahalin natin ang Mother Nature.”

May mensahe din siyang nais iparating sa libu-libong nating mga kapamilya nasalanta at naapketuhan ng pangyayaring ito. “Kasama niyo kami sa trahedyang ito hindi kayo nag-iisa. Huwag po kayong mwalang ng pag-asa sana sa kalagitnaan ng ganitong pangyayari eh makakita pa rin tayo ng maganda, malaman natin na sa kalagitnaan nito marami pa rin ang gustong tumulong Pilipino. Pero sana bago pa natin harapin ang ganitong trahedya pakita na natin yung husay at galing natin  para makaiwas sa ganitong pangyayari. Iwasan na natin mangyari ulit ang mga ganito, iyang mga basura na ‘yan. ‘Yan naman talaga ang totoong dahilan at nakakalungkot pero maganda kasi ang Pilipino bumabangon talaga.”
 

No comments:

Post a Comment