Thursday, October 18, 2012

Jennylyn Mercado natawa lang sa isyu na siya daw ang third party

Natawa lang ang Protégé host na si Jennylyn Mercado nang hingan ng reaksiyon sa mga lumabas na ulat na iniuugnay siya bilang third party sa paghihiwalay ng mag-asawang Paolo Contis at Lian Paz.

Sa artikulong isinulat ni Joyce Jimenez sa Philippine Entertainment Portal (PEP), sinabi ni Jennylyn na ang isa sa pinakamahirap na parte ng showbiz ay ang maintriga… lalo na kung wala umanong basehan at katotohanan.

"Kapag kasi involved 'yong family mo, 'yon ang pinakamahirap talaga," pahayag ng Kapuso star sa naturang ulat. "Kasi karamihan sa mga gano’n, lalo na yung mga naninira talaga, hindi muna nila inaalam talaga kung ano ba talaga'ng nangyayari.

Kung tutuusin, mismong si Lian ang nagsabi sa mga nakaraang panayam na naniniwala siyang walang third party na sangkot sa problemang kinakaharap nila ni Paolo.

Hindi pa nagsasalita si Paolo tungkol sa isyu dahil nasa US pa ito kasama ng grupo ng Manny Many Prizes. Sa panayam sa kanya ng StarTalk TX noong Sabado, sinabi ng aktor na magsasalita siya pagbalik niya sa bansa. (Basahin: Paolo Contis, bukas ang isip na maayos ang problema nila ni Lian Paz)

Isa nga sa mga nasasangkot sa naturang isyu ay si Jennylyn na nakatrabaho ni Paolo noon sa GMA series na Futbolilits.

Pero paliwanag ni Jennylyn, inaanak ni Paolo ang anak niya kay Patrick Garcia na si Alex Jazz o AJ.

"Since Futbolilits, hindi ko pa 'to nakikita," patungkol ni Jennylyn kay Paolo. "Tinext ko nga siya, sabi ko, 'Pao, ano 'to? Kaloka naman, ang saya-saya ko na, bakit naman? At saka may asawa ka na! 'Kaloka naman.'

Maging si Paolo daw ay nagulat nang maiugnay siya sa naturang isyu.

"Sabi ko, ‘Umuwi ka na dito at linawin mong lahat ‘yan,’" pahayag pa ni Jennylyn na nobya ngayon ni Luis Manzano.

Ayon kay Jennylyn, si Luis pa mismo ang unang nagparating sa kanya ng naturang intriga. At bago pa man daw lumabas ang mga balita, napag-usapan na nila ito ng aktor.

No comments:

Post a Comment