Saturday, June 30, 2012

Cristine Reyes on her public apology to sister Ara Mina “Nakakalungkot na may humuhusga na sa akin, lalo na sa pagiging sincere ko."

Nagpadala ang Viva Artist Agency (VAA) sa kopya ng “apology letter” ni Cristine Reyes kaugnay ng alitan nila ng kapatid na si Ara Mina.
Ang apology letter na ito ay inilabas sa media ilang araw pagkatapos magpa-interview ni Cristine sa programang The Buzz noong Linggo, June 24.
Dito ginawa ng Kapamilya actress ang unang public apology para sa kanyang Ate Ara, na nakasamaan niya ng loob at nagdemanda sa kanya ng libel at grave coercion.
Sa kabila ng ginawa niyang paghingi ng tawad sa kapatid on national television, tila hindi pa rin ito tinatanggap ni Ara. Sa Twitter kasi ay tinawag ni Ara na “stiff apology” ang ginawa ni Cristine.
Dahil dito, nais pa sanang magpa-interview ni Cristine kahit sa telepono lamang para mas maipahayag niya ang kanyang saloobin tungkol sa isyu at sa kanyang ginawang public apology sa kanyang Ate Ara.
Pero naubusan daw ng oras ang StarStruck alumna dahil marami siyang inasikaso kaugnay ng paglipad niya sa London para sa show ng ABS-CBN for TFC (The Filipino Channel) subscribers.
Ngayong araw, June 29, lilipad patungong United Kingdom si Cristine at iba pang Kapamilya stars. Three weeks daw siyang mananatili roon dahil isasabay na rin niya ang kanyang bakasyon.
Katatapos lang kasi ng kanyang drama series na Dahil Sa Pag-ibig sa ABS-CBN, kunsaan nakasama niya sina Piolo Pascual, Jericho Rosales, at Christopher de Leon. Mamayang gabi ang airing ng huling episode ng teleseryeng ito.
APOLOGY LETTER. Ito ang dahilan kaya minabuti ni Cristine na gumawa na lang ng apology letter sa pamamagitan ng VAA. Dumaan din sa kanyang abogado ang naturang sulat na inaprubahan naman upang mailabas sa print media.
“Sana magkaayos na kami ni Ate,” bungad ni Cristine sa kanyang liham.
“Medyo matagal na po ang issue at marami nang nadamay. Kaya nagpapakumbaba na po ako para humingi ng tawad sa ate ko.”
Humihingi rin ng sorry si Cristine sa “ibang taong nasaktan at patuloy na nasasaktan dahil sa conflict” nila ng kanyang Ate Ara.
Kabilang na rito ang ilang miyembro ng kanyang pamilya na patuloy na naguguluhan sa sitwasyon nila ni Ara, lalo na ang kanilang inang si Frances Marie Klenk.
Sabi rin ni Cristine, “Nakakalungkot pong isipin na lumaki ng ganito ang misunderstanding namin ni Ate.
“Nung una pa lang, gusto ko nang mapag-usapan namin ang issue para makapag-explain at magkaintindihan.
“Hindi pa po siguro siya handa na makipag-meet sa akin in private para subukang maayos ang mga bagay-bagay.”
    
Ayon pa kay Cristine, ilang beses siyang nagpadala ng mga text messages sa kanyang Ate Ara para maayos ang problema na silang dalawa lang ang mag-uusap at maghaharap.
Pero wala raw isinagot si Ara sa kanyang mga text messages.
Aware din daw si Cristine na hindi maganda ang tingin sa kanya ngayon ng publiko dahil sa nangyaring sagutan at demandahan sa kanila ng kanyang kapatid.
Pero nakikiusap si Cristine na huwag naman daw siyang husgahan agad.
Aniya, “Nakakalungkot na may humuhusga na sa akin, lalo na sa pagiging sincere ko.
“Wala naman po sigurong tao ang ayaw na nagkakasundo ang kanyang mga mahal sa buhay, lalo na ang sariling pamilya.”
Sa pagbalik ni Cristine mula sa UK, susubukan daw niya ulit na makausap ang kanyang Ate Ara para magkaroon na raw silang dalawa ng "peace of mind."
Hindi raw titigil si Cristine sa paghingi ng tawad sa kanyang kapatid hanggang sa maramdaman nito ang kanyang buong sinseridad.

No comments:

Post a Comment