Saturday, July 21, 2012

Coco Martin almost gets bitten by an overeager fan

Bihira na ata ang artista tulad ni Coco Martin na sadyang hindi maluho. Kahit sunod-sunod ang kanyang mga ginagawang proyekto ay napupunta lang lahat ng kanyang kinikita sa kanyang savings, pagpapatayo ng bahay at pagtulong sa kanyang pamilya. “Kasi kapag artista ka, nabibigay na halos lahat sa’yo. May ineendorse ako na produkto, mula sa damit, sapatos, ibinibigay naman sa akin. Kaya pamilya ko naman ang iniisip ko. Pangarap ko yun matagal na, gusto ko ayusin pamilya ko,” paliwanag ni Coco sa panayam ng Push.com.ph.

Marunong magpahalaga si Coco sa kung ano man ang naabot niya ngayon. Aminado siyang hindi panghabang-buhay ang pagaartista, kaya kahit wala na siyang panahon para sa sarili ay sige pa rin siya pagtatrabaho. ”Nagsimula ako sa wala talaga. Naranasan ko na 2000 pesos lang ang bayad sa akin sa buong pelikula or walang bayad talaga. Pero yun ang naging pundasyon ko para magsumikap lalo. Lahat ng raket pinasok ko. So ito yung panahon para makaipon ako. Ang tagal ko hinintay, bakit ko pa pakakawalan? Alam ko matatapos rin ito. Darating yung point na baka ’di na ako gusto ng tao. Gusto ko bago matapos kahit papaano na-secure ko na yung future ng pamilya ko.”

Ngunit sa kabila ng kanyang kasikatan, ayaw daw niyang namnamin ang katayuan niya ngayon dahil baka ito pa raw ang maging dahilan upang tamarin siyang magtrabaho. Likas na magiliw si Coco at hindi siya namimili ng taong pakikitunguhan niya lalo na ang kanyang fans. “Lagi ko lang ibinabalik kasi dati fan din ako. Humahanga ako sa artista. Kapag nakikita ko sila binibigyan ko sila ng time. Kasi dati makawayan lang ako ng idol ko, feeling ko napakabait na sobra. What more ‘pag bibigyan mo sila kahit konting time para kausapin?”

Kakatuwang ikinuwento naman ni Coco ang isa sa mga kakaibang karanasan niya sa pakikisalamuha  sa kanyang fans. Nagulat daw siya noong minsang may isang babaeng nagtangkang kagatin ang kanyang kamay. ”Last week nag-show kami sa Batangas. Siyempre hinahawakan ka ng mga tao. Ok lang sa akin yung kurot kasi ang dami ko na ngang sugat sa kamay kapag kinukurot ako. Pero may isang babae kakagatin ako, promise! Nagulat ako kasi nga ’di ko alam bakit niya ako gusto kagatin.” Hindi naman daw ito natuloy dahil mabilis niyang nabawi ang kanyang kamay. ”Hindi, kasi nakipaglabanan ako. Hahaha! Nagulat talaga ako. Ganun talaga e, iba-iba ang reaction ng tao. Siguro sobrang tuwa lang.”

Paano ba niya napapanatili ang kanyang kababaang-loob? ”Bago pa ako umabot dito, alam ko na trabaho lang itong pinasok ko. Yun ang mindset ko. Naihanda ako. Alam ko kung paano yung walang pumapansin. Kaya na-appreciate ko lahat. Si Direk Brillante Mendoza pati iba kong kaibigan sa indie, sila ang nagpapaalala sa akin. Alam ko hindi ako maliligaw dahil tama yung mga taong nasa paligid ko.” 

No comments:

Post a Comment