Pasasalamat lamang ang naibulalas ni Kim Chiu kahapon sa The Buzz nang ihayag ni Toni Gonzaga sa kanya na handpicked ni Batangas Gov. Vilma Santos ang former PBB Teens Big Winner na makasama niya sa pelikulang The Healing na magbubukas sa mga sinehan ngayon July 25.
Kuwento pa ni Kim, dahil sa pagiging mabait ng Star For All Seasons ay madali silang naging malapit sa isa’t isa. “Minsan sa set namin pag nagsi-set up, nagkukuwentuhan,” simula ni Kim. “Si Ate Vi sobra siyang approachable, reachable (at) sobrang down to earth. Walang wall, parang kahit sino pwedeng kumausap sa kanya. Ang pleasant-pleasant niya, parang hindi siya gagawa ng kasalanan. Pwede mong ikuwento lahat, mahihiya ka na lang sa sobrang bait niya. Minsan niyayaya niya ko, ‘Halika, pumasok ka sa dressing room ko.’ Nahihiya akong pumasok,” natatawang kuwento ng young actress.
Dahil daw sa karangalan kay Kim na makatrabaho ang ilan sa magagaling na artista, sinisikap daw niya na paghusayan ang kanyang trabaho tuwing nagsu-shooting. “Kapag nasa set kami sobrang professional. Nahihiya na lang ako. Pagdating ko ng set, dapat kabisado ko na ang linya ko, dapat prepared na ako kasi katrabaho ko si Direk Chito Roño and ‘yung buong team niya, plus Gov. Vilma pa. Syempre mahiya ka na lang kapag di mo pa kabisado ang linya mo.”
Malaki rin ang pasasalamat ni Kim kay Ate Vi dahil sa pagiging generous nito na tulungan si Kim na mag-motivate sa kanilang mga eksena. “Minsan syempre hahawakan mo si Gov Vi. Meron kaming maseselang eksena. Sabi n’ya, ‘Huwag mong sasayangin ang eksena. Ibigay mo na, ito minsan lang mangyari ito. Minsan lang ang eksena na mangyari ito.” So para hindi siya masayang mino-motivate niya ako. ‘Huwag mong isipin na ako si Ate Vi.' Hindi ko nga alam, nahihirapan nga ako.”
Ang pelikula ay horror-suspense at bahagi ng pagdiriwang ng ika-50 taon ni Ate Vi sa industriya.
No comments:
Post a Comment