Tuesday, August 21, 2012

Mike Tan taas at Baba sa Showbiz

Halos lahat ng nakausap ng Hot Pinoy Showbiz noong Biyernes, Agosto 17, na kasama sa cast and crew ng panghapong GMA-7 teleserye na Faithfully ay sinasabing masaya silang lahat sa set at nabuo na ang pagkakaibigan nila.

Sabi nga ng lead actor ntio na si Mike Tan, “Ok po kaming lahat. Masaya kami at talagang para kaming isang pamilya.

“Masaya, masayang-masaya talaga.”

Kinumusta ng PEP at ng iba pang press na umi-interview kay Mike ang character niya sa Faithfully.

Ang karakter ni Mike ay si Perry, na ayon sa 25-year-old aktor, ay isang sanggano nga pero mabait.

“Mabait kung sa mabait…pero may kulo po,” paglalarawan ni Mike. “Pagdating sa pagiging protective, protective talaga siya sa mga mahal niya.

“Kaya niyang pumatay ng tao, ganoon si Perry.

“Kaya ko ngang bigla na lang magpaputok ng baril o bigla na lang bumaril,” sabi pa ni Mike tungkol sa kanyang Faithfully character.

Sa umpisa ng teleserye ay sila ni Isabel Oli ang pinagpareha. Pero may mga humuhula na sa ending ay sila ni Maxene Magalona talaga ang magkakatuluyan.

Sabi naman ni Mike, “Hindi ko rin po alam. Pero tingin ko po…hindi ko rin po kasi sigurado pagdating sa script.

“Palagi pong depende. Paano po kung pagdating sa huling part ng script, hindi pala?”



CHALLENGING CHARACTER. Sinabi noon ni Mike na na-challenge siya sa unang pagkakataon sa pagiging leading man sa Kung Aagawin Mo Ang Lahat Sa Akin. Dito sa Faithfully, ano ang bagong challenge sa kanya?

Sagot ng StarStruck Season 2 Ultimate Male Survivor, “Nakaka-challenge ang pagiging sanggano niya. Tapos biglang magsi-shift minsan na papatay na ng tao, nagloloko pa.

“Pagdating sa babae, mabait. Ganoon yung shifting ng ugali niya. Nakaka-challenge.”

Co-leading man ni Mike sa Faithfully ang singer-turned-actor na si Marc Abaya.

Ano ang pagkakaiba ng character niyang si Perry sa character ni Marc na si Kevin?

“Sa tingin ko, mas mabait po ang karakter ko, si Perry. Tingin ko po kasi, wala siyang psycho problem,” nakangiting sagot ni Mike.

Biniro ng isang kausap na press si Mike na kung sa totoong buhay ba, meron siyang psycho problem.

“Tingin ko po meron,” natawang pagsakay naman ni Mike sa biro sa kanya.

Sabay-bawi na, “Wala po, wala naman po.”

Mas gusto ba niya ang karakter niya ngayon sa Faithfully, kesa noon sa Kung Aagawin…?

“Magkaiba, e. Magkaiba,” sagot agad ni Mike.

“Yung sa Kung Aagawin…, heavy drama. Mabigat yun, pero malaki ang naitulong sa akin no’n.

“Yung dito naman, mas nakakapag-experiment ka—puwede kang maging masama, puwede kang maging mabait. Sobrang bait, in love. Puwede ka rin maging gago.”

Kung tutuusin, naging sunud-sunod na ang mga teleseryeng ginawa niya. Wala siya halos naging bakanteng buwan.

Tanong tuloy ng PEP, pagkatapos ba ng Faithfully ay may nakaabang nang bagong proyekto para sa kanya?

“Well, ako, masaya kung may trabaho. Hindi ko naman sinasabing gusto kong magpahinga,” sagot na lang ni Mike.

THE MORE POPULAR STARSTRUCK WINNER NOW? May nagtanong kay Mike: Sa tingin ba niya’y mas sikat na siya ngayon kesa sa nauna sa kanyang StarStruck winner din na si Mark Herras?

Mas marami rin kasing proyekto ngayon si Mike kaysa kay Mark.

Sa Season One ng Kapuso artista search nanalo bilang Ultimate Male Survivor si Mark, habang sa Season Two naman si Mike.

“Hindi ko kasi… Sa totoo lang, hindi ko priority na maging sikat,” tugon ni Mike.

“Mas gusto ko lang na maging mas magaling sa ginagawa ko.”

Hindi raw pumapasok sa sistema niya kung sino ang mas nauungusan o nahihigitan na niya. Wala raw siyang ganoong pag-iisip kahit kanino.        

“Hindi ko iniisip na mas magiging sikat ako sa tao, ganoon.

“Kahit sa mall shows, never kong inisip na dapat paglabas ko, mas malakas ang tilian sa akin. Hindi, never kong inisip yun.

“Kasi para sa akin, hindi naman yun ang priority ko.

“Basta ang iniisip ko, ang showbiz naman, parang gulong lang din.

“Nanggaling na ako sa nanalo ako sa StarStruck, nasa taas, tapos bumaba. Ngayon, medyo tumataas.

“Basta ako, ang sinasabi ko na lang sa sarili ko, alagaan ko na lang ang sarili ko, mahalin ko ang trabaho ko.

"Galingan ko sa bawat eksenang ipapakita ko. Ganoon na lang.

“Ang sikat, secondary na lang. Siguro kapag na-appreciate ng tao, darating din yun,” patuloy ni Mike.

Puro pang-leading man na ang roles niya. Kung sakali at bigyan siya ng karakter na hindi siya ang leading man, tatanggapin pa kaya niya?

Mabilis na sagot ni Mike: “Oo naman, bakit hindi?

“Ang leading man naman, title lang naman ‘yan, at saka kung papaano mo aatakihin yung role mo, paano mo pangangalagaan.

“Para sa akin, as much as possible, kailangan kong maging flexi sa kahit na anong role—support man o pagiging lead ng isang soap.

“Sa akin ganoon. Ganoon ang trabaho para sa akin.”

WORKING RELATIONSHIP WITH MAXENE. Ikalawang pagtatambal na nila ni Maxene ang Faithfully dahil nagkasama na sila sa Trudis Liit nung 2010.

Kumusta ang working relationship nila ngayon?

“Ok kami, para kaming barkada lahat dito, na lahat napag-uusapan. Pati trabaho, minsan, naglolokohan na rin kami.  Wala kaming itinatago sa isa’t isa.

“Kilala naman natin si Maxene, isa siyang malaking open book.”

FAITHFUL MIKE. In real life, matagal na rin ang relasyon ni Mike sa kanyang non-showbiz girlfriend.

Pero tulad ngayon na napapaligirian siya ng mga naggagandahang babae sa cast ng Faithfully—Maxene, Isabel, Michelle Madrigal, Isabelle Daza, and Vaness del Moral—mabuti at hindi siya nakakaisip na maging unfaithful.

“Well, sabi ko nga, para kaming isang malaking pamilya rito. Ang turingan namin, magkakapatid lang,” nakangiting banggit ni Mike.

Aminado ang binata na takot siyang magalit sa kanya ang girlfriend.

“Mas maganda na yung natatakot ka kesa hindi,” natatawang sabi ni Mike.

“Para sa akin yun. Kasi, kapag hindi ka na natakot, baka do’n na dumating ang puntong mambabae ka na.”

Sa limang taon na nila bilang magkasintahan, aminado rin si Mike na paminsan-minsa’y napapatingin siya sa ibang babae at meron din siyang crushes.

“Siguro attract… crush. Tao lang naman tayo… ‘Ganda nito.’ Tingin-tingin, ganoon lang.”

ATTRACTION TO A FAITHFULLY GIRL. Kung nagkataong single siya, sino sa limang babae sa Faithfully ang gusto niyang ligawan?

“Honestly sa tingin ko...” napaisip si Mike.

"Si Max kasi, nakasama ko na. Kahit anong mangyari, talagang kapatid lang ang turingan namin. Iba, e, iba talaga.

“Sa tingin ko, si Isabel Oli. Ewan ko, parang siya na ang pinakanagustuhan ko.

“Kung tingin ko, as Mike Tan, siya ang magugustuhan ko.”

Anong qualities ni Isabel ang nagustuhan niya?

“I don’t know, meron siyang feature o meron siyang ugali na naa-attract talaga ‘ko.

“Sobrang bait kasi nitong taong ‘to. Very open din.

“Kapag nakipagkuwentuhan ka, puwede niyong pagkuwentuhan kahit na ano.

“Nakakatuwa lang din, kasi pagdating sa personal niyang buhay, nakakapag-share din siya.

“Pagdating sa biruan, kaya niya rin. Tingin ko, nakakatuwang makipagkuwentuhan sa kanya,” sabi pa ni Mike tungkol kay Isabel.

No comments:

Post a Comment