Wednesday, October 3, 2012

Gerald Santos feels like starting again with his career

Noong September 28, Biyernes, ay inilunsad ang ikatlong album ni Gerald Santos—ang Gerald Santos: The Prince of Ballad—sa The Roxy, Tomas Morato, Quezon City.

Puro revival songs ang nakapaloob sa bago niyang album, tulad ng “Ikaw Lang,” Paminsan-Minsan,” “Hindi Magbabago,” “Maghintay Ka Lamang,” at “Ikaw Pa Rin Ang Mahal Ko.”

Bago ito, noong 2008 pa ang huling album na nailabas ni Gerald kaya masasabing matagal din bago ito nasundan.

Ipinaliwanag ni Gerald sa Hot Pinoy Showbiz kung bakit puro revival songs ang laman ng bago niyang album.

“Revival po, kasi yung first two albums ko po, all-original na po. Para maiba naman po.

“At kumbaga, nagte-test pa rin po kami ng iba’t ibang formula kung paano magkakaroon ng hit songs na revival album naman po.

“With this album, I hope magkaroon na ako ng identity na ako na talaga—at hit song.

“Yun po talaga ang wino-work out namin, matagal na.”

OUT OF THE BOX. Ang unang dalawang albums ni Gerald ay mula sa GMA Records: A Day On The Rainbow at Pinakahihintay.

Itong pangatlong record niya ay ini-release naman ng independent label na PRINSTAR Music Philippines.

Ngayong independent label ang nag-produce ng album niya, at nasa TV5 na rin siya, masasabi ba niyang para siyang nakawala sa hawla?

Sinang-ayunan naman ito ni Gerald sa pagsasabing, “Masasabi ko pong ganun kasi, ngayon, talagang may freedom ako kung ano ang gusto kong gawin sa arrangement ng song.

“Kung ano ang gusto kong gawin na bagay sa pagkakakanta ng awitin ko ngayon.

“Hindi po ako nakakulong ngayon. Yung artist na gusto ko, e, nae-express ko ngayon.

“At itong bago kong album, out of the box na po talaga ‘to.

“At hopefully, maging successful at mag-hit ang mga songs na nakapaloob dito.”

FORMER KAPUSO. Si Gerald ay nagsimula sa pamamagitan ng talent search ng GMA-7 na Pinoy Pop Superstar Season 2, kunsaan siya ang naging grand champion.

Apat na taon rin daw siya naging Kapuso.

May bitterness o sama ba siya ng loob sa pinanggalingang network?

Ayon kay Gerald, “Hindi naman po.

“Siguro lahat naman po ng mga artist, naghahanap ng growth. So, nangyayari na po ngayon.

“Nararamdaman po namin na naggu-grow po ako as an artist. Hindi lang po as an artist but as a person, too.”

Kung ilalarawan ni Gerald ang career niya ngayon, masasabi ba niyang parang continuation na lang ng nasimulan niya o para siyang nagsisimulang muli ngayon?



“Siguro po, masasabi kong parang nagsisimula po akong muli,” sagot ni Gerald.

Masasabi ba niyang may “tulay na nasunog” sa Kapuso network?

“Wala naman po siguro,” sabi niya.

Ano pa ba ang gusto niyang makita o magawa sa career niya?

“Siguro po, maraming album, mall shows. Magkaroon po ng hits.

“At saka nga po, kung mabibigyan ng opportunity sa acting, yun din po sana.”

NOW A KAPATID. Non-exclusive contract sa loob ng isang taon daw ang pinirmahan ni Gerald sa TV5.

Sinabi niyang hindi lamang sa pagkanta kung hindi pati sa pag-arte ay puwede niyang gawin sa kontrata niya sa Kapatid network.

“Actually, sa lahat po yun, e. Kung may offer, why not, di po ba?

“So, kung may offer na umarte ako, bakit naman natin tatanggihan? I’m willing to act din po.”

Pagkatapos ng musical-variety shows na Hey It’s Saberdey at Sunday Funday, sa ngayon ay walang show si Gerald sa TV5.

Pero magsisimula na raw ngayong October ang campus tour niya at kasalukuyan siyang abala sa pagre-rehearse ng kauna-unahan niyang English play, ang San Pedro Calungsod, The Musical.

Ang pamilya pa rin daw niya ang maituturing na inspirasyon ni Gerald sa lahat ng ginagawa niya.

Aniya, “Siyempre, ang inspiration ko ay ang family. Siya talaga ang nagpapalakas sa akin. Then, si Lord. 

“At yung passion ko siguro sa pagkanta, yung passion ko sa music. Kasi, grabe talaga ang passion ko sa pagkanta.

“Kaya ang sakit-sakit din lalo na kung masakit ang kanta.

“Kaya with conviction din kapag mahal mo ang isang bagay at ginagawa mo.”

Zero naman daw ngayon ang kanyang lovelife.

“Sa ngayon kasi, sobrang busy.

“Tapos yung sa Pedro Calungsod na play, talagang every day ang rehearsal.

“Tapos, itong album, six months in the making ito.

“So, hindi naman po ako nagmamadali pagdating sa love.

“Kapag dumating, okay. Kapag hindi pa, hindi pa sa ngayon.      

“Sayang din po kasi ang mga opportunity na ibinibigay sa akin ng Diyos. Darating din po tayo run.”

No comments:

Post a Comment