Sunday, November 25, 2012

Dingdong Dantes on May-December affair

Sa trailer pa lamang ng bagong teleserye ng GMA-7 na Pahiram Ng Sandali, makikita nang mai-involve si Dingdong Dantes sa dalawang babae.

Si Dingdong ay gaganap bilang si Alex, isang photo journalist na magkakaroon ng kaugnayan sa mag-ina—gagampanan nina Lorna Tolentino at Max Collins.

Sa trailer din, ipinakita na parehong may kissing scene si Dingdong kina Lorna at kay Max.
Sa presscon ng Pahiram Ng Sandali noong Martes, November 20, tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Dingdong kung masarap ba sa pakiramdam ang pinag-aagawan ng dalawang babae.

“Hindi ko naman nakikita na ganoon," ang nakangiting sagot ng aktor.

“Nagkataon lang din na meron kaming mga hiniram na sandali noong mga pagkakataong yun.

“Pero, nandoon kami sa maling oras, maling pagkakataon, kaya naging kumplikado."

MAY-DECEMBER AFFAIR. Sa Pahiram Ng Sandali, tila magkakaroon ng May-December love affair sa pagitan nina Dingdong at Lorna.

Kung wala bang Marian Rivera sa buhay ni Dingdong, posible bang ma-in love ang aktor sa isang nakatatandang babae?

Sagot ng 32-year-old Kapuso actor, “I don’t want to put it in a context na kung walang ganoon.

“I wanna put it this way na, siguro naman, sa pag-ibig, wala namang kinikilalang edad na kahit ano.

“As long as sincere, as long as totoo, as long as nagkakasundo, e, kahit ano pa ‘yan.

“Minsan nga, ang relationship ng tao at animal, minsan, mas higit pa sa kaibigan dahil nandoon ang trust, ang loyalty.

“It depends on the intensity, so ako, it doesn’t matter."

Naitanong din kay Dingdong kung nangyari na nanghiram na siya ng sandali?

Sagot niya, “Kung sakali man, sinisiguro kong isosoli ko. Halimbawa, nanghiram ako ng laruan.

"Pero tao, hindi naman hinihiram ang tao… hindi rin naman inaangkin ang tao.

“Mas magandang ibigay mo ang sarili mo kesa sa ikaw ang humingi at ikaw ang mang-akin."

INTENSE. Sa trailer pa rin ng Pahiram Ng Sandali, may pagka-wild ang dating ng kissing scene nina Dingdong at Lorna, kunsaan kunwari ay lasing ang aktres sa eksena nila sa tabing-dagat.

Ano ang naging pakiramdam ni Dingdong habang kinukunan ang eksenang iyon?

“Siyempre po, kinakabahan din po.

"Isang malaking karangalan sa akin na makaeksena ang isang tulad ni Ms. LT. At lalung-lalo na ang makasama siya sa isang kissing scene.

"So, kumbaga, mixed feelings siya.

“Hindi mo alam kung ano ang mararamdaman mo, but siyempre, more on excitement at saka kaba.

“Kasi siyempre, nahihiya naman akong magkamali at ayoko naman pong mangyari yun.

“Alam naman po nating lahat kung gaano siya kahusay."

Isang take lang ba yung kissing scene nila?

“Yes, isang take lang yun... actually, dalawa, pero basically, isang pasada lang po."

Kung siya ang direktor, mas gusto ba niya na mild lang sana o mas wild ang kissing scene na yun?

“Sa tingin ko, the scene just called for it, sakto lang yun," tugon ni Dingdong.

PREPARATIONS. Sa pagkakaalam namin, sa na-shelved na Haram naghanda nang husto si Dingdong. Paano ang naging preparations niya ngayon sa Pahiram Ng Sandali?

Sabi ng aktor, “Alam ninyo, the fact that they are so generous on the set, kumbaga, yung preparation na nakikita mo, ang galing.

“Doon pa lang, nai-inspire ka at namo-motivate ka na talaga… nakakahawa ang kanilang intensity."

May pagkakahawig ba siyang nakikita sa role niya bilang Alex sa totoong buhay?

“Medyo malayo, e," sabi ni Dingdong.

“Siguro yung ano lang, bihirang mag-open-up si Alex pagdating sa pag-ibig.

“Ako rin, hindi naman ako ma-vocal sa nararamdaman ko pagdating sa relasyon ko, ganoon din naman si Alex."

Gaano ba ka-daring o kaseksi si Dingdong sa Pahiram Ng Sandali?

Tugon niya, “Physically, wala naman po akong iniintindi.

“Siguro, mas magiging mahirap para sa akin kung paano maging daring emotionally…

“And sometimes, may kuwestiyon of morality na rin because of so many plots na mangyayari.

“But for physical na mangyayari, it’s the issues behind it na may asawa siya [Lorna's character], may pamilya. Ako, may girlfriend.

"So, it’s the moral dilemma."

MAX COLLINS. Ibang-iba naman ang kissing scene nina Dingdong at Max na ipinakita sa trailer—parang pigil.

Paliwanag ni Dingdong, “Yun naman kasi, nasabi ko nga kanina, yung karakter ko, hindi masyadong bukas sa nararamdaman.

“Si Max kasi, ang karakter niya rito, siya ang nangunguna sa akin tapos, dahil lumaki siya sa America, parang medyo liberated ang kanyang nararamdaman.

"Parang sa kanya, okay lang na magpakita ng feeling niya.

“So, parang ako, nailang ako. Iyon yun, doon nag-umpisa lahat."

Kumusta namang leading lady si Max?

“First time, first scene with her, yung eksena na yun [kissing scene], I can say, she’s a natural actress—impressive."

Dugtong pa ni Dingdong, “Kasi, hindi ko naman siya masyadong napapanood sa Coffee Prince.

“Pero kapag kaeksena mo siya, alam mong hindi niya inaarte.

"Yun lang ang sa akin, klarong-klaro ang karakter."

Ano naman ang naging reaksiyon ng girlfriend niyang si Marian Rivera nang malaman nitong si Max na ang magiging leading lady niya?

“Hindi namin napag-usapan yung aspetong yun kasi ang bilis ng mga pangyayari.

“Lalo na noong time na yun, sobrang busy na niya.

“Araw-araw nagte-taping ng Extra Challenge, Temptation of Wife, Party Pilipinas, so hindi na namin napag-uusapan yung mga ganoong bagay.

“Basta alam niya, magsisimula na rin kami and, generally, she’s happy."

Dugtong pa ni Dingdong, “Matagal na rin silang magkakilala dahil magkasama kami sa PPL at may mga events na nagkikita, nagkakasama."

No comments:

Post a Comment