Saturday, November 17, 2012

Regine Velasquez cuts Silver concert short after losing voice; vows to do better in free concert before yearend

Pagkatapos ng ilang buwang paghahanda ay ginanap na ang 25th anniversary concert ni Regine Velasquez kagabi, November 16, sa SM Mall of Asia Arena—ang Silve


Ngunit sa dinami-dami ng araw na maaari siyang dapuan ng sakit, sa mismong araw pa ng concert niya ito nangyari.

Dinapuan ng virus ang Asia’s Songbird na naging dahilan ng pagkawala ng kanyang boses.

Ngunit sa kabila nito ay pinatunayan ni Regine ang kanyang propesyunalismo dahil itinuloy niya pa rin ang concert kahit hirap na hirap siya.



OF ALL THE DAYS… Alas-otso ng gabi ang inaasahang pagsisimula ng Silver concert ngunit lagpas alas-nuebe na ng gabi nang simulan ito.

Nagpalakpakan ang mga tao nang lumabas sa stage ang Manila Symphony Orchestra, kasunod ang musical directors na sina Ryan Cayabyab at Raul Mitra, bilang hudyat ng pagsisimula ng concert.

Pagkatapos ng overture ng ilan sa pinasikat na kanta ni Regine sa loob ng 25 years ay lumabas na ang Songbird para sa kanyang opening number—ang fast version ng hit song niyang “Shine.”

Dito ay napansin na ng marami na tila may problema sa boses ni Regine.

Pagkatapos ng kanyang number ay ipinagtapat ni Regine sa mga taong nasa loob ng Arena ang tunay niyang kundisyon.

Pahayag niya, “Actually, madami rin po ang pinagdaanan ko para po… just to get here tonight.

“We’re thinking of cancelling the show altogether because I didn’t have a voice.

“But, inisip ko, para kanino ba ito… this show is a celebration…

“Minsan ka lang magse-celebrate ng twenty-five years sa industriya, palpak pa.

“Nandito naman kayo, dumating naman kayo.

“I know that you deserve more from me and I really would’ve wanted to give you more.

“You know, for the past six months, I’ve been trying to get back in shape… in fairness, ha!” nagbibirong pagmamalaki ni Regine sa kanyang katawan.

Magmula kasi nang manganak siya noong isang taon ay lagpas 60 lbs. na ang nabawas sa kanyang timbang.

Patuloy niya, “Unfortunately, my voice parang na-traffic…”

Pagkatapos nito ay nakiusap ang Songbird sa audience na tulungan na lang siyang mairaos ang gabing iyon.

Sabi niya, “Okay lang ba sa inyo na ituloy pa natin ito? Kahit pumapagak-pagak ako?

“Tulungan n’yo na lang ako. Tutal, kasama naman kayo sa celebration ng twenty-five years.

“Pasensiya na kayo, ha?

“But, but… even though my voice is not even fifty percent, I am a performer.

"This is what I’ve been doing for the past twenty-five years—so that’s what I’m giving you tonight.

“Dumugo man ang ilong ko at dumugo man ang lalamunan ko, s**t!” biro pa niya.

Dagdag ni Regine, “So we are celebrating my twenty-five years in the business. If you guys are up for it, I will continue.

“Okay lang ba sa inyo?”

Hindi naman magkamayaw ang mga taong dumagsa sa Arena sa pagbibigay ng encouragement kay Regine upang ituloy nito ang concert.



THE SHOW MUST GO ON. Pagkatapos nito ay kinanta ni Regine ang tatlong awitin na nilikha ni Maestro Ryan Cayabyab: “Kahit Ika’y Panaginip Lang,”Araw Gabi,” at “Tuwing Umuulan At Kapiling Ka.”

Sa kalagitnaan ng pagkanta ni Regine ay hindi na niya napigilang mapaluha dahil patuloy pa ring bumibigay ang boses niya.

Pero sa kabila nito ay tinapos niya ang kanta.

Sa bandang huli ay hiningi niya ang tulong ng audience sa pamamagitan ng pagsabay ng mga ito sa kanta.

Pagkatapos ay kinanta ni Regine ang hit song niyang “Dadalhin.”

Kahit hirap na ay pilit pa ring inaabot ni Regine ang matataas na tono ng kanta, ngunit halata ang kanyang frustration dahil hindi niya maibigay ang tamang paraan ng pagkanta nito.

Pagkatapos nga ng kanta ay sinabi ni Regine: “Guys, I really don’t know what to do... nothing’s coming [out].”

Dito na inamin ni Regine ang kanyang pangamba bago siya sumalang sa stage.

Naiiyak niyang sabi, “Actually, I was expecting for the worst.

“I was expecting that you would boo me. I was expecting that you guys would leave…”

Sa puntong ito ay marami sa audience ang napaluha sa sinabi ng Asia's Songbird.

Pero nagawa pa ring magbiro ni Regine sa gitna ng pagbuhos ng kanyang emosyon.

Aniya, “Siguro hindi na lang muna ako magtu-Twitter para wala na lang akong mabasa. Iku-close ko na yung account ko!”

Amg tinutukoy ng singer-actress ay ang posibleng negatibong komento mula sa Twitter followers niya.

Pinasalamatan naman ni Regine ang lahat ng mga nasa audience dahil wala ni isang mang umalis sa kinauupuan nila sa kabila ng hindi siya makapabigay ng perpektong performance.

“Akala ko, ibu-boo n’yo ako, pero kayo pa yung nagtsi-cheer sa akin.

“Lalo ko pong naa-appreciate yung ipinapakita ninyong pagmamahal sa akin.

“You deserve more than this,” sabi niya.

Sinuklian naman ito ng audience ng isang masigabong palakpakan dahil alam nila na sinusubukan talaga ni Regine ang makakaya niya upang magbigay ng magandang performance sa kabila ng kanyang masamang pakiramdam.



SPECIAL GUESTS. Pagkatapos nito ay ipinakilala na ni Regine ang dalawang espesyal niyang bisita na naging kasama na raw niya mula pa noong simula—ang isa pa nga sa kanila ay pinakasalan niya.

Ang tinutukoy ni Regine ay walang iba kundi ang kanyang mister na si Ogie Alcasid at ang “boyfriend” niyang si Janno Gibbs.

Nakipag-duet si Regine kay Ogie sa kantang “Hanggang Ngayon” at kay Janno sa kantang “Magkasuyo Buong Gabi.”

Nang matapos ang number nila ay iniwan na ni Regine sina Ogie at Janno para sa kanilang spot number.

Pero bago ito ay nagbigay muna ng pahayag si Ogie tungkol sa kanyang misis.

Saad ng singer-songwriter, “Gusto ko lang sabihin, you know, tonight, you are witnessing a miracle.

“Because this morning, si Regine, walang boses talaga ‘yan. Talagang wala kang maririnig.

“So, tonight if you’re hearing something coming out from that voice, that is a miracle!”

Pagkatapos nito ay ginawa nina Ogie at Janno ang dating segment nila sa musical variety show ng GMA-7 na SOP—ang “OJ.”

Dito ay iniiba nila ang lyrics ng isang kanta upang i-spoof ang isang personalidad o isang isyu.

Sa concert ni Regine ay iniba nila ang lyrics ng kanta nito na “Probinsiyana” upang balikan ang pagiging promdi ni Regine, ang makulay niyang buhay pag-ibig, at ang pagpapakasal nila ni Ogie.

Sa isang bahagi nga ng kanta ay ginawa pang katatawanan nina Janno at Ogie ang pagkakaugnay ni Regine sa “mga lalaking may sabet.”

Pagkatapos ay nasorpresa ang lahat sa paglabas ni Michael V, na bumanat ng ng popular na kanta na “Gangnam Style” ng Korean singer na si Psy.

Kinalaunan ay nakisali rin sina Ogie at Janno kay Michael, at nakakatuwang panoorin ang tatlong matalik na magkakaibigan habang nagga-“Gangnam Style.”

Pagkatapos ng number nila ay ipinakilala muli ni Ogie ang kanyang misis na si Regine.

Ang sumunod na inawit ni Regine ay ang “In Your Eyes”—ang winning song niya sa Bagong Kampeon—kunsaan nakipag-duet siya sa kanyang sarili sa pamamagitan ng video.

Maayos na naitawid ni Regine ang number na ito kaya marami ang umasa na unti-unti nang bumabalik ang boses niya.

Sumunod namang tinawag ni Regine ang isa pa niyang special guest—si Lani Misalucha.

Nagkasama sina Regine at Lani noon sa SOP.



Kinanta ng Asia’s Songbird at Asia’s Nightingale ang medley ng ilan sa pinasikat na kanta ni Regine: “Pangarap Ko Ang Ibigin Ka,” “Pangako,” “Kailangan Ko’y Ikaw,” at “Ikaw.”

Bagamat nakipagsabayan pa rin si Regine kay Lani, bumibigay pa rin paminsan-minsan ang boses ng Asia’s Songbird.

Kaya naman tuwing naaabot ni Regine ang matataas na tono ay panay ang hiwayan at palakpakan ng mga tao upang ipakita ang kanilang paghanga at pagsuporta sa kanya.

Nang matapos ang kanilang duet ay muling ipinakilala ni Regine si Lani para sa solo number nito: “To give you some real singing, the one and only, Lani Misalucha.”

Kinanta ni Lani ang kanyang biggest hit na “Bukas Na Lang Kita Mamahalin.”

Nang matapos siya ay may ilang sumigaw ng “More!”

Pero buwelta ni Lani, habang pababa ng stage: “Concert ‘to ni Ate, ‘no! Concert ‘to ni Ate!”

Nagtawanan naman ang audience sa pagbibiro ni Lani.

Sa isang bahagi ng concert, bagamat garalgal na talaga ang boses niya, hinandugan ni Regine ng awitin ang dalawa sa pinakaimportanteng lalaki sa buhay niya—ang kanyang anak na si Nate (“God Gave Me You”) at ang kanyang amang si Mang Gerry (“Leader of The Band”).

Naging madamdamin ang bahaging ito ng concert dahil sinamahan ni Mang Gerry si Regine, na karga-karga si Nate, habang kinakantahan siya nito.

Sa isang bahagi ng kanta ay isinigaw ni Regine ang: “I love you, Mang Gerry!”



LITTLE HELP FROM MY FRIENDS. Dahil sadyang hirap sa pagkanta, hiningi ni Regine ang tulong ng mga kaibigan niya na nasa audience.

Isa na rito si Anton Diva, ang pinakasikat na gay impersonator ng Asia’s Songbird.

Halatang nagulat si Anton nang tinawag siya ni Regine. May hawak-hawak pa nga siyang bote ng mineral water habang umaakyat ng stage.

Nag-request si Regine kay Anton na tulungan siya sa pagbirit ng “On The Wings of Love”—ang isa sa mga pinakasikat na cover songs ni Regine mula sa album niyang R2K.



Dito ay muling ginawa ni Regine ang paglipad sa ere habang kumakanta, na una niyang ginawa sa R2K concert noong 2000 sa Araneta Coliseum.

Pagkatapos ng kanilang duet ay sinabi ni Anton, “Puwede na akong mamatay, promise.”

Hirit naman ni Regine, “E, di pag nawalan ako ng boses, wala na akong tatawagin?”

Sa huling bahagi ng concert ay tinawag ni Regine sa stage sina Vice Ganda at John “Sweet” Lapus.

Dapat sana ay pakakantahin ni Regine sina Vice at Sweet ng “Dadalhin” pero natuloy na sa tawanan ang lahat.

Una munang pinaakyat sa stage ni Regine si Vice.

Buwelo ni Vice, “Sabi ko na nga ba, tama ang paghahanda ko ngayon, e. Matatawag ako, e.”

Sabi naman ni Regine kay Vice, “Bakla, hindi mo na ako masasabihang madyubis [mataba]!”

Sagot ni Vice, "Ang laki na ng ipinayat mo magmula nung ginuest mo ako nung huling concert mo. Akala ko si Nadia Montenegro ang nag-imbita sa akin!”

Tungkol naman sa namamaos na boses ni Regine, sabi ni Vice:

“Alam mo, Regine, hindi mo na kinakailangang ipakita sa amin na magaling kang kumanta, mataas ang boses mo… alam na alam na naming lahat ‘yan.

"Ikaw ang may hawak ng record ng pinakamaraming standing ovation sa concert. Ngayon, may record ka na naman ulit—may pinakamaraming piyok sa concert!"

Bawi naman ni Vice, "At least, ikaw pa rin ang diva namin!

"At ikaw pa rin ang may record na kahit na may pinakamaraming piyok, pinakamaraming nanood at walang umuwi. Di ba?

"Hindi naman kami nagpunta rito para marinig kang kumanta kasi alam na alam na naming napakahusay mo. At gusto lang naming makasama ka ulit."

Tinawag din ni Regine sa stage ang isa pa niyang kaibigan sa audience na si John Lapus, na parang “kaboses” niya raw kagabi. Sadya kasing paos ang boses ni Sweet kapag nagsasalita.

Nagbiro naman si Sweet na kaya siguro namaos si Regine ay dahil sa isang "mahabang" katangian ng asawa niyang si Ogie.

Pinatunayan ni Regine ang kanyang pagiging gay icon dahil sa pagdagsa ng napakaraming "bekis" noong gabing iyon.

Sabi nga nina Vice at Sweet, sarado raw lahat ng beauty parlor sa Pilipinas dahil nandoon lahat sa concert ni Regine.

Bukod kina Vice at Sweet, dumagsa rin sa Arena ang napakaraming artista upang suportahan si Regine.

Namataan ng Hot Pinoy Showbiz sina Kris Aquino, Aga Muhlach, Eugene Domingo, Toni Gonzaga, Jennylyn Mercado, Angeline Quinto, at Lucy Torres.

Naroon dina si Zsa Zsa Padilla, kasama ang mga anak na sina Nicole at Zia Quizon, Grace Poe, Mikee Cojuangco, Dingdong Avanzado, Raymond Gutierrez, Jed Madela, Jhong Hilario, Aldred Gatchalian, at Bobby Andrews.



THE FREE CONCERT. Hindi na nagawang tapusin ni Regine ang kanyang concert dahil sobrang paos na ang kanyang boses.

Naiiyak niyang sabi, “Kinarir ko po talaga itong makabalik sa stage, I went into a diet…

“Pero I wanted so much to be perfect for you tonight, guys, really. I really do…

“And I also wanted to be perfect for Mang Gerry.”

Pero isang pangako ang iniwan niya sa lahat ng mga nanood sa kanya:

“When I get better, I will do the same show for free! I will do this freakin’ show, then I will show you how it should be done!”

Nagpalakpakan, naghiyawan, at nagtayuan ang marami sa audience nang marinig ito.

Itago lamang daw ang mga tickets noong gabing iyon dahil ito pa rin ang gagamiting entrance sa kanyang free concert.

Napasayaw naman si Regine ng “Gangnam Style” nang marinig ang balitang pumayag na ang pamunuan ng Mall of Asia Arena na doon gawin muli ang concert “for free.”

Ia-announce na lang daw kung kailan ito mangyayari.

Ipapahinga lang daw ni Regine ang kanyang boses ngunit siguradong mangyayari ito bago matapos ang taon.

Ipinangako ni Regine na isang mas magandang performance na ang ibibigay niya sa gabing iyon.

Sa huli, lubos-lubos ang pasasalamat ni Regine sa lahat ng mga taong nanood ng Silver.

"Thank you for coming tonight. Thank you for not booing me. Thank you for not leaving."

Napag-alaman ng Hot Pinoy Showbiz sa isang source na panay ang iyak ni Regine sa dressing room dahil sa nangyari sa kanyang concert.

Totoo raw na tuwang-tuwa ito at lubos ang pasasalamat sa mga nanood na binigyan siya ng respeto at pagpapahalaga kahit nawawala-wala ang kanyang boses.

(CLICK HERE to view gallery)

No comments:

Post a Comment