Ipapalabas na mamayang gabi ang naging TV special nang flash-mob proposal at wedding nina Carmina Villarroel at Zoren Legaspi.
Pinamagatang Carmina-Zoren: Always, Forever. A Wedding Like No Other, ipapalabas ito pagkatapos ng Maalaala Mo Kaya.
Sa press luncheon ng TV special, na ginanap sa Patio Carlito nung November 20, Martes, ikinuwento nina Carmina at Zoren, sa Hot Pinoy Showbiz at iba pang imbitadong entertainment press, ang ilang detalye patungo sa mismong kasal nila.
Simula ni Zoren, dapat sana’y November 16 ang gusto niyang petsa ng kasal nila ni Carmina.
November 16 din kasi ang birthday ni Daddy Reggie, ang ama ng aktres.
“Gusto ko sana yung [petsa ng] birthday ng tatay niya at ng wedding namin, iisa. Pero hindi available ang Fernbrook na isarado yun.
“So, na-move namin ng November 15,” lahad ni Zoren.
Naganap nga sa nabanggit na petsa ang flash-mob proposal and wedding nila sa Fernbrook Gardens, Portofino, New Alabang, Muntinlupa.
(CLICK HERE for related story)
May plano naman daw talaga sina Zoren at Carmina noon na magpakasal, pero maliit na kasalan lang daw sana.
Patuloy ni Zoren, “Noong nagkaroon ng operation kasi si Daddy Reggie, na-dislocate yung hips niya. Magkakaroon siya ng hip surgery. Hindi alam ni Carmina na 50/50 yung life ng daddy niya.
“Ayaw sanang magpaopera ng daddy niya, pero, sabi ng doctor, ‘Kapag hindi nagpaopera ‘yan, lalong dadali ang buhay.’
“Pagkatapos ng pag-uusap namin ng pamilya and the doctor, kinausap ko si Daddy Reggie sa kuwarto niya.
“Sabi ko, ‘Daddy Reggie, magpaopera na kayo ‘tapos magpalakas kayo agad dahil may kasal kami ni Carmina sa November.
“’Kailangan nandoon po kayo at wala kayong mawawala dun. Kasi, pakiramdam ko, kahit anong wedding pa ang ibigay ko kay Carmina at kahit na gaano kalaki, it would be useless kung wala kahit isang magulang na nandoon.’
“E, si Daddy Reggie na lang ang natitira sa buhay niya [Carmina].
“So, ako, hindi ko mapo-forgive ang sarili ko kung ganoon nga ang mangyari,” ang hindi nga maka-attend ng kasal si Daddy Reggie ang ibig sabihin ni Zoren.
HE JUST WANTS CARMINA TO BE HAPPY. Dahil sa ginawa ni Zoren kay Carmina, marami tuloy mga lalaking gustong magpakasal ang nagkaroon ng bagong standard na tatapatan.
Marami ring kababaihan na gustong makasal ang nangangarap ngayon na matulad sa nangyari kay Carmina.
May paumanhin namang tono ni Zoren, “Ang purpose ko lang po ro’n, paligayahin si Carmina. Hindi ko alam na, yun nga, magkakaroon ng ganoong effect ang ginawa namin.
“Maraming na-touch kagaya ng Villarroel family… May party kasi ang daddy niya, he just turned 80 the other day, so, may party.
“Hinugot ako ng isang uncle niya [Carmina]. Sabi, ‘Zoren, on behalf of the Villarroel clan, thank you so much for giving Carmina a spectacular wedding.’
“Hindi ko naman akalain na aabot na, maa-appreciate nila at hindi lang sila, pati maraming mga taong nagku-comment sa mga Facebook, Instagram, at Twitter.
“Wala naman akong gustong patunayan sa mundo. Gusto ko lang namang patunayan ang pagmamahal ko kay Carmina.”
Hindi naman itinatago ni Carmina ang pagkakilig at ang kaligayahan sa mga naririnig at siyempre pa, ginawa sa kanya ni Zoren.
Biro nga ni Carmina, “Ang haba na ng buhok ko, umabot na ng Spain, my gosh!”
Dugtong din niya, “Oo, e… Like I’ve said, I’m still overwhelmed sa lahat ng nangyari. Cloud nine pa nga rin. High na high pa.
“Noong nag-uusap nga kami ni Zoren, hindi namin akalain na magiging ganito ang effect ng wedding namin sa mga tao.
“Parang lahat ng tao na hindi namin kakilala o kakilala man, sobrang na-in love rin, all over again.
“At tulad ng sinabi namin ni Zoren, nababasa namin ang mga comments nila sa Instagram, Facebook, Twitter ,na yung mga ibang hindi na naniniwala sa happy ending o sa love, parang nagkaroon ulit ng pag-asa na ma-in love o maniwala ulit sa kasal o sa happy ending.
“So, hindi lang talaga ako ang napasaya ni Zoren noong gabing yun, hindi lang ang pamilya, hindi lang ang mga anak namin, kundi yung mga napakaraming tao talaga.
“So, nagpapasalamat nga ako dahil at least, ganoon din ang effect sa kanila.
“Kumbaga, hawa-hawa lang. Parang ganoon.”
May mensahe pa si Carmina sa ilang nag-tweet at nag-iwan ng mensahe sa kanyang Instagram at Facebook.
Ito yung mga nagsasabing kailangan din daw yatang maka-12 years muna ng pagsasama para lang matulad sa kasal nina Carmina at Zoren.
“Don’t lose hope. Huwag mawalan ng pag-asa,” parating ni Carmina.
“Alam niyo, kung talagang kayo ay meant for each other, kahit ano pa ang mangyari, yun ang mangyayari sa inyo.
ZOREN’S “BRIDESMAIDS.” May nagtanong na baka raw agawin si Zoren kay Carmina ng ibang babae.
Humirit naman si Carmina ng, “Ay, huwag namang agawin si Zoren, huwag naman. Yung idea siguro, puwedeng gayahin.”
Sabi naman ni Zoren, “Alam niyo, huwag ako ang nakawin, ang dapat sina Tita SK [Shirley Kuan] at Tita Dolor [Guevara] dahil noong binubuo namin, silang dalawa ang ‘bridesmaids’ ko ro’n. Parang sila ang ikakasal. Mabilis pa sa alas-otso ang takbo ng dalawa.”
Si Shirley Kuan at Dolor Guevarra ay talent managers ng mga sikat na artista katulad nina Carmina at Zoren.
“’Zoren, kailangan ng ring! Harry Winston.’
“’Ano po ang Harry Winston?’
“’Ano ka ba, ang cheap mo! Hindi mo alam ang Harry Winston?’
“Kaya nauwi po kami sa Harry Winston ring,” ang natatawang kuwento ni Zoren tungkol sa dalawang “kakuntsaba” niya sa kasal na sina Tita Shirley at Tita Dolor nga.
Malaking pera ba ang nailabas ni Zoren sa kanilang kasal?
“Hindi ko nararamdaman kasi yung gastos. Na-overpower siya ng happiness at appreciation mo at na-accomplish mo ang isang goal mo,” sagot agad ng actor-director at TV host.
“Sabi ko nga, siguro, ito na yung—may mga project kasi ako in mind to direct a movie, pero, sabi ko nga—wala na sigurong tatalo rito.
“With E.P. [executive producer] si Tita SK, line producer si Dolor Guevara. E, ano pa ang worth ng pelikulang ito?” paghahambing pa ni Zoren sa kanilang kasal sa isang big-budgeted na pelikula.
EVERYTHING'S READY, EXCEPT ONE. Kung kailan isang araw na lang daw halos at kumpleto na rin lahat ng detalye, may isang “missing” pa raw sa magaganap na surprise wedding.
Ang officiating minister mismo o magkakasal sa kanila.
Ayon kay Zoren, “Okey na lahat, haircut ko, haircut ni Mavi, sapatos nila. Lahat plantsado na. Relax na. One day ahead ako, e.
“Tumawag si Tita Dolor, ‘Hoy! Nakakaloka ka, wala pa ang magkakasal sa inyong dalawa?’
“’Huh? Wala pa, ano?’
“Marami pang ganito, ganyan.
“So, tumawag ako kay Kris Aquino. I have to ask her for that. Kasi, ang talagang peg namin, si President Noynoy Aquino ang magkakasal.
“Gusto kong highest authority ang magkakasal. Kaya pag tiningnan natin, yung wedding, hindi biro-biro.
“Pero, hindi pala puwede.
“For some reason, kapag naniniwala ka naman sa isang project, everything will fall into the right places.
“Biglang tumawag si Charisse [Santillan-Tinio] na gumawa ng Nice Prints and Video na bigla na lang, ‘Wag na kayong mamrublema, meron na tayo.’”
Ang Nice Print Photograpy and Exige Weddings owner na si Charisse mismo ang nagkuwento na si Justice Amy Javier ng Court of Appeals ang nakuha nilang magkasal.
Unang tinanong namanni Judge Amy ay kung kumpleto na ang lahat ng papeles, tulad ng marriage license. Kumpleto naman daw si Zoren.
(CLICK HERE for related story.)
Pero kuwento ni Zoren, may iba raw sanang ideya si Kris para sa kasal.
“Si Kris, may iba rin siyang ideya kasi, hindi niya fully na-grasp yung ideya o concept nitong surprise wedding. Kaya may ideya siya na ikasal muna kami sa bahay niya.
“Sabi ko, ‘Hindi, e. ‘Tapos didiretso ng Fernbrook?’
“Sabi ko, hindi, e. May mali.
“Mawawala yung magic, yung mystery, yung surprise,” sabi niya raw sa TV host-actress na naging ninang na rin nila sa kasal.
Nagkatawanan naman nang may magsabi na in fairness to Kris, kaya rin daw pala nitong magtago ng sikreto.
Sabi naman ni Carmina, “Oh, yes. Doon ko rin napatunayan na kaya naman, e. Kaya naman ni Ninang Kris na mag-keep ng secret.
“Kaya nga natuwa ako nang sobra. Kasi nga, naisip mo, na noong lumalaki ako, kumbaga, noong younger years ko, kasama na namin si Kris.
“So, lahat ng nandoon, mga ninong at ninang ay talaga namang swak. Talagang okey at wala akong tanung-tanong.”
No comments:
Post a Comment