Wednesday, September 26, 2012

Araneta, punong puno dahil kay Sarah at Gerald

BAGO pa nagsimula ang 24/SG concert ni Sarah Geronimo nu’ng Sabado nang gabi sa Araneta Coliseum ay alam na naming magiging gabi ‘yon ni Sarah at ng rumored ‘babe’ niya na si Gerald Anderson.

Pagdating ni Gerald before the start of the show ay hindi na magkamayaw ang mga tao sa Big Dome.

‘Kagulo ang fans at todo-hiyaw pagkakita sa guwapong young actor.

“Grabe, parang siya (Gerald) talaga ang hinihintay!” dayalog ng katabi namin ng upuan sa Lower Box section na si Rachelle Ann Go.

Sa harap namin ni Rachelle nakaupo si Boss Vic del Rosario at ang lovey-dovey nitong si Joanne Quintas.

Dumagundong ang Araneta pagpatay ng mga ilaw.

Grabe ang lakas ng ­tilian, itsurang si Lady Gaga o iba pang sikat na international artist ang may concert that night. Ibang klase ang energy ng Popsters ni Sarah.

Umapir si Jon ­Santos sa opening video bilang wicked stepmom sa isang fairy tale. Aniya, sa 24th birthday ng prinsesang si Sarah ay hindi na ito magigising pa at mata-trap sa isang ‘beautiful nightmare.’

Lakas ng hiyawan pagkakita kay Sarah sa giant screen na tumatakbo, sabay hawak sa ma­laking salamin. Sing siya ng opening song na Sweet Dreams (ni Beyonce).

Hanep ang visuals sa giant screen pag-entra ni Sarah onstage. May pakpak siya na parang ma­laking paru-paro. Astig ng special effects.

Ang interactive graphics nito ay maihahalintulad sa bonggang performance ni Beyonce ng Run the World sa 2011 Billboard Music Awards.

Segue sa Sweet Dreams Are Made of This (ng Eurythmics). Pabulosa pa rin ang graphics na itsurang superhero si Sarah na may powers.

May force field, may apoy at kung anik-anik na paandar ang mala-fantasy prod na ‘yon.

Ganda ng LED screen habang inaawit ni Sarah ang Where Have You Been (ni Rihanna). Ang taray ng lighting, lalo na ‘yung laser lights.

Hataw sa pag-dance si Sarah na white ­sparkly mini dress na gawa ni Furne One ang suot. ­Tilian ang fans sa bawat seksing kembot at inda­yog niya kasama ng G-Force.

Tuloy pa rin ang makulay na play of lights sa kanyang Adele medley (Set Fire to the Rain at Rolling in the Deep).

***

Advance b-day celebration daw ni Sarah ang concert na ‘yon, sey niya sa kanyang ­opening spiels.

Ang lakas ng tilian paghirit niya ng, “24 na ako, puwede na!”

Natatawang dugtong niya, “Puwede nang ma­ging 25, kayo talaga! ‘Pag nag-25 na ako, puwede nang mag-26! O, ‘di ba? Ha! Ha! Ha!”

Bet na bet namin ang next songs ni Sarah na ayon sa kanya ay tungkol sa iba’t ibang kuwento ng pag-ibig.

Dahil sa lighting ay mas dramatic ang pag-awit niya ng The Scientist (ng Coldplay), Breakeven (ng The Script) at Jar of Hearts (ni Christina Perri).

Ang galing ng hagod ni Sarah lalo na sa last song, na may pagka-­senti kaya parang damang-­dama niya.

Nag-duet ng Huwag Ka Lang Mawawala sina Sam Concepcion at Anja Aguilar, tapos ay umentra si Jon Santos sa stage bilang si Mommy Dioning.

Aniya, magsasama-sama ang tatlong sikat na showbiz ­mothers sa gabing ‘yon para mawala ang ‘sumpa’ kay ­Sarah at bigyan ito ng 3 wishes family, freedom at lovelife.

“Sino ba gusto n’yo na love niya?” tanong ni Mommy D, na sinagot ng audience ng pagkalakas-lakas na “GERALD!!!!!”

Dyumi-Jessica Sanchez ang Popstar Princess pag-entra nito with the song And I Am Telling You.

“Medyo iiwan talaga ako ng lalaking mahal ko kung ganu’n ako ­magreak,” tumatawang pakli ni Sarah after her birit number.

Sunod dito ay kasama niya ang The Company sa pag-awit ng ilan sa kanyang signature hits na ni­lagyan ng kakaibang twist (Forever’s Not Enough, Sino Nga Ba Siya? at How Could You Say You Love Me).

***

Si Mommy Annabelle Drama na si Jon sa muli nitong pag-entra. Nag-react ang audience pagsabi ni Jon na bawal pang mag-‘papa’ si Sarah.

Ang tunay na mahal daw ay palangga. For short, GA.

“Gerald Anderson!” sigaw ng fans.

Tilian ulit ang fans pagdayalog ni Annabelle na sasampa mamaya sa stage ang ‘papa’ ni Sarah. Si Annabelle ang nagbi­gay kuning ng unang wish ni Sarah na family.

‘90s medley ang sunod na binanatan ni ­Sarah. May hiphop song na may rapping part at nag-rap-rap din siya.

Meron siyang Spice Girls song at tsika niya, nu’ng bagets siya ay siya raw si Sporty Spice.

Hiwayan galore na naman sa spiels niya na, “Kaya ako, I never lose hope! I never stop ­dreaming!! I never stop praying. Dahil sabi nga du’n sa kanta ni Snow White, ‘If I never stop wishing, someday my prince will come!’”

Natatawang bawi niya, “Mali, my dream will come true!” tapos ay sing siya ng Wish (ni Donna Cruz), na naki­pag-duet sa kanya si ­Anton Alvarez (na hindi namin kilala).

***

Tungkol sa ‘puso’ ang sumunod na spiels ni Sarah. Tilian na naman pagsabi niyang buong buhay niya ay iaalay at ibibigay niya sa lala­king ipapakilala niya.

Aniya, kung loloobin ng Diyos na magka­asawa siya someday, nasa lala­king ito ang lahat ng hinahanap niya. Ito raw ang lalaking nasa puso’t isipan niya.

Kinanta niya ang Smile para sa kanyang Daddy Delfin. Pagkatapos ay naggitara sa stage ang ama ni Sarah habang kumakanta ng I Will Be Here at ipinapakita sa screen ang family photos nila. Naki-duet si Sarah sa daddy niya.

After his number ay nagpasalamat si Daddy Delfin sa mga taong tumatangkilik sa kanyang anak.

Parang maiiyak ito habang nagsasalita kaya sey ni Sarah, “Daddy, baka may kumuhang ­artista sa ‘yo!’”

“Happy birthday, anak. Mahal na mahal ka namin. Kahit na ano pang mangyari, kahit magka­bali-baligtad ang mundo, nandito pa rin ang tatay mo para sa ‘yo!” bulalas ni Daddy Delfin, na may pagka-Robin Padilla ang delivery.

“I love you, Deh!” sey ni Sarah sa tatay niya.

***

Nang kantahin ni ­Sarah ang OPM classic na Sa Dulo ng Walang Hanggan ay umentra si Basil Valdez at nag-duet sila. Ang ganda ng ­blending ng mga boses nila!

Mommy Miriam (Defensor-Santiago) ang sunod na karakter ni Jon Santos. Havey na havey sa fans ang pick-up lines ni Miriam na ginamit niya ang name nina ­Sarah, John Lloyd at Gerald. Siya ang nag-grant kuning ng second wish ni Sarah na freedom.

Sa spiels ni Sarah ay nabanggit niya na ang wish niya ay konting kalayaan sa pagdedesisyon, sa pagpili ng kung anong gusto niya sa career niya at sa kanyang future.

Kahit gusto niya ng freedom, alam niya na kailangan niyang maging responsable.

Segue sa immortal hit ni Freddie Aguilar na Anak, na binigyan ng rock arrangement ng musical director niyang si Louie Ocampo.

Nabuhay ulit ang ­Popsters nang kantahin ni Sarah ang hit na hit ngayong Call Me Maybe (ni Carly Rae Jepsen). Super-tili sila pag-flash sa mukha ni Gerald sa music video.

Ka-join din sa video si Christian Bautista, atbp. Pero kay Gege lang OA ang hiyawan.

Nang isa-isang banggitin ni Sarah ang celebrities na nanood that night ay pinakamalakas ang tilian kay Gerald.

Base sa reaksyon ng fans ay obvious na bet na bet nila si Gege na ma­ging nobyo ni Sasa.

***

Sunod dito ang duet ni Sarah kasama si Bamboo.

Highly-charged ang kanilang rendition ng Iris (ng Goo Goo Dolls). ­After the song ay sumigaw si Sarah ng, “I love you, Bamboo!!”

Proud daw siyang naka-duet ang rock star dahil pangarap niya lang ‘yun noon.

Si Mommy Vi ang last na karakter ni Jon, na nagbigay ng last wish ni Sarah na lovelife.

“I’m positive, magkaka-lovelife siya ­(Sarah) this year!” dayalog ni Mommy Vi, na tinilian nang husto ng audience.

Buhay na buhay ang dugo ng Sasa-Gege fans sa next song ni Sarah na It Might Be You. Ito ba ang kanta ni Baby Girl para kay Gege?!

Lalong nag-wild ang audience nang bumaba sa floor si Sasa at lumapit sa puwesto ni Gege. Nagbeso ang dalawa at nag-holding hands.

“Sasamahan mo ba ako?” tanong ni Sarah, na hinawakan ni Gerald ang kamay at naglakad sila papunta sa may director’s booth sa bandang likod ng Patron section.

Lalapit sana si Sarah kay Boss Vic, pero nasa Lower Box ito kaya tumayo na lang si Boss Vic at nag-thumbs up kay ­Sarah, na para bang sign of approval nito sa dalawa.

Kilig na kilig kina Sasa-Gege ang katabi na­ming si Rachelle Ann, na kahit lumipat na sa GMA ay nanatiling very close kay Sarah.

“John Lloyd, nasaan ka?!” tanong ni Sarah habang lumalakad silang magka-hawak-kamay ni Gerald. Hindi nagpakita si Lloydie.

“Ihahatid mo ako sa stage?” tanong ulit ng dalaga sa guwapong escort niya.

“No, go up!” sey niya pa pero nahiyang umak­yat ng stage si Gege.

Tila damang-dama ni Sarah ‘yung linya ng kanta na, “Maybe it’s you, I’ve been waiting for, all of my life…”

Ang kilig-moment of the night na ‘yun ang highlight ng soldout concert ni Sarah na may se­cond night sa Hulyo 21!
   

No comments:

Post a Comment