Tuesday, September 25, 2012

KC matagal nang hinahangaan ni Slater Young

Walang subok na formula o strategy para manalo sa Pinoy Big Brother, ‘yan ang payo ng Pinoy Big Brother Unlimited Big Winner na si Slater Young sa kasalukuyang housemates ng PBB Teen Edition 4, para tumagal sa loob ng Bahay ni Kuya at suportahan ng taumbayan.


Ayon pa kay Slater, tanging pagpapakatotoo lang sa sarili ang nararapat na ipakita ng sinumang maghangad na maging housemate, anuman ang kanilang intensyon sa pagpasok sa sikat na bahay.


“Ipakita mo lang ang talagang ikaw sa loob ng bahay. Hindi maganda ‘yung magiging epekto sa housemates na nagpaplano o nag-iisip ng strategy para manalo lalo na sa paglabas nila,” giit ni Slater na isang licensed civil engineer.


Maaaring nalayo na nga siya mula sa mga mapagmatyag na camera ng PBB house ngunit determinado siyang matutong umarte dahil sa matagal nang pangarap na maging isang aktor. Sa katunayan, nakapagdesisyon na rin si Slater na manirahan na sa Maynila para sa planong pasukin ang showbiz.


“Gusto ko talagang mag-acting at mag-drama. Sa ngayon, workshop lang nang workshop hanggang sa magkaroon na ng project,” say niya.


Sina John Lloyd Cruz at Pen Medina ang mga iniidolo niyang aktor. At pangarap niyang makapareha KC Concepcion dahil sa likas na ganda nito.


“Dati ko pa talagang crush si KC, kasi sobrang simple niya pero alam mong may class pa rin siya,” aniya.


Kahit pa itinuturing na isang ‘landslide victory’ ang pagkapanalo niya sa PBB, hindi pa rin siya halos makapaniwala sa atensyong kanyang nakukuha. Naninibago pa rin siya na nilalapitan siya sa mall at iba pang lugar ng mga tao para makipag-picture o batiin siya. Nakatataba raw ng puso sa tuwing nakakatanggap siya ng papuri tulad noong siya’y nilapitan ng isang nanay sa mall kamakailan at sinabing sinuportahan siya dahil sa magandang asal na ipinakita nito sa loob ng PBB house.


Nagwagi ng P2M, isang appliance showcase, Asian tour package, isang Internet TV, isang water-refilling store franchise, at special appearance sa isang Kapamilya program sa Estados Unidos si Slater.


Napagkasunduan na rin niya at ng kanyang ama na gamitin ang parte ng napanalunang halaga sa pag-aaral ng mga anak ng mga empleyado ng kanilang negosyo.


“Nasimulan na namin dati pa na magpaaral ng anak ng mga empleyado na matagal na sa amin.

Kadalasan, mga nag-aaral ng engineering at nursing kasi malaki ang gastos noon,” kuwento pa rin ni Slater.


Mula sa isang mayamang pamilyang nagmamay-ari ng malaking construction company sa Cebu, ginusto ni Slater na maging housemate upang patunayaan ang sarili sa kabila ng karangyaan sa buhay.


Dinaig niya ang 32 housemates ng edisyon kabilang na ang tatlong katunggaling Big Four housemates na sina Pamu Pamorada, Joseph Biggel, at Paco Evangelista.


***


Nagkakahalagang P4M in prizes ang mapapanalunan ng tatanghaling pinakaunang grand winner ng inaaba­ngang singing competition ng ABS-CBN na The X Factor Philippines sa pangunguna ni KC Concepcion bilang host.


Ito na ang pinakamala­king papremyo sa isang talent search sa kasaysayan ng Philippine TV kaya naman sa hindi pa nakakapag-audition sa Luzon, Visayas, at Mindanao, may huli pa kayong pagkakataon sa April 12-14 para maipamalas ang inyong ‘x factor.’


Maghanda na ng inyong audition piece at pumunta ngayong Huwebes (April 12) sa ABS-CBN Davao, ABS-CBN Cebu, o sa Porta Vaga Mall sa Baguio City.


Pagdating naman ng Biyernes (April 13) ay maari kang mag-audition sa ABS-CBN Complex Cagayan de Oro, Gaisano Capitol, Iloilo o sa ABS-CBN Compund sa Naga City.


Huling bira naman sa Metro Manila pagsapit ng Sabado (April 14) sa gaganaping audition sa ABS-CBN compound sa Quezon City. Pumunta lamang sa audience entrance.


Ang kumpetisyon ay bukas sa lahat ng Pilipino na may angking talento sa pagkanta, edad 16 taong gulang pataas. Maaring mag-audition ng mag-isa, may ka-duet, o maari ding bumuo ng trio o kaya naman isang grupo. Magdala lamang ng minus one ng inyong kakantahin sa audition.


Nagsimula sa UK ang The X Factor kung saan tinagurian itong pinakamalaking talent search.

Napapanood na rin ito sa higit na 30 bansa at may higit sa 50 The X Factor winners na ang napili sa buong mundo kasama na rito si Melanie Amaro, ang unang nanalo sa The X Factor USA noong nakaraang buwan. Sino kaya ang pinakaunang Pinoy na tatanghaling ‘The X Factor’ winner?

 

No comments:

Post a Comment