Tuesday, September 25, 2012

Sarah balak sagutin si Gerald sa pasko

Mukhang may mga positive results na ang matiyagang panliligaw ni Gerald Anderson kay Sarah Geronimo. May mga senyales na kasi na pagpapakita ng pagtanggap ni Sarah sa iniluluhog na pag-ibig ni Gerald.

Maliban sa maayos na pagtanggap at pag-iistima ni Sarah kay Gerald sa tuwing aakyat ito ng ligaw, ipinagluluto na raw ng actress-singer si Gerald. Hindi lang sinabi sa amin ng source kung dinner ba o meryenda ang mga iniluluto ni Sarah para kay Gerald.

Kaya raw siguro nasabi ni Gerald na hindi lang girlfriend material si Sarah kundi wife material na rin dahil sa mga katangian ng dalaga sa pagluluto. Maliban doon, nakikita raw kasi ni Gerald ang pagiging homebody ni Sarah at kung paano nito alagaan ang kanyang pamilya.

Hindi lang daw dahil bisita si Gerald kaya ipinagluluto nito si Gerald kundi gusto rin daw kasi ni Sarah na istimahin ng maayos ang aktor. Sabi nga sa amin ng aming source, may totoong kilig na nararamdaman si Sarah kay Gerald na malayo sa kilig na sinasabi nito nu’ng ginagawa pa lang nila ang kanilang second movie.

Kung showbiz ang kilig noon ni Sarah, ngayon ay tunay na kilig na ang nararamdaman nito kay Gerald. Pagrarason ng aming source, masyado raw kasing masugid sa kanyang panliligaw si Gerald at consistent ito sa pagiging gentleman hindi lang kay Sarah kundi pati na rin sa pamilya nito.

May anim na buwan na raw na nanliligaw si Gerald kay Sarah at hindi nagbabago ang level ng pagpapakita nito ng kanyang pagmamahal sa huli. Ipinapakita raw ni Gerald ang busilak niyang intensyon na mahalin si Sarah at kumbinsido naman daw ang actress-singer sa intensyon sa kanya ng aktor.

Maging ang parents ni Sarah ay unti-unti na raw natatanggap si Gerald pero hindi pa kumbinsido ang mga ito na dapat na ngang magka-boyfriend ang dalaga nila dahil nga sa trauma na naranasan nila sa pagkabigo ng anak sa unang pakikipag-boyfriend nito kay Rayver Cruz.

Gusto raw ng parents ni Sarah na patuloy na maging magkaibigan muna ang dalawa hanggang sa dumating ang time na handa na nga ang anak nila sa panibagong relasyon. Pero maayos naman daw ang pakikitungo ng mga magulang ni Sarah kay Gerald sa kanilang tahanan kapag dumadalaw ang binata.

Dapat daw ay may duet sina Gerald at Sarah sa unang gabi ng concert ng dalaga sa Araneta Coliseum, pero tinutulan daw ito ng parents ng singer-actress. Kaya ang nangyari, bumaba na lang si Sarah at pumunta kay Gerald saka inawitan na lang niya ito.

May punto naman ang parents ni Sarah sa rason ng mga ito, gusto nilang maging moment ito ng anak dahil birthday concert niya ito. Isa pa, may guesting naman daw si Gerald sa show nitong Sarah G. Live at magiging overkill naman daw kung sa lahat ng mga appearances ni Sarah ay kasama nito ang aktor.

Eh, hindi pa naman daw magkasintahan ang dalawa.

Pero the mere fact na bumaba si Sarah at pinuntahan si Gerald sa upuan nito nabigyan naman daw ng importansya ang aktor. Sabi nga ng aming source, may kakaiba na raw na nararamdamang saya si Sarah kapag ipinaparamdam ni Gerald ang kanyang pag-ibig at pagmamalasakit sa kanya.

Ipagpatuloy lang daw nito ang pagtitiyaga sa kanyang panunuyo kay Sarah at sa pamilya nito ay baka bago matapos ang taon o kaya ay sa Pasko, masungkit na niya ang matamis na oo ni Sarah.

No comments:

Post a Comment