Excited na ang dalawang primetime TV princesses na sina Kim Chiu at Maja Salvador sa nalalapit nang pagpapalabas ng pinakabagong family drama ng ABS-CBN na Ina Kapatid Anak.
"Nandito na lahat ng hinahanap ng viewers--kwento ng pamilya, magkaibigan, at magkakapatid," ani Kim base sa isang release mula sa ABS-CBN. Bibigyang buhay ni Kim ang karakter ni Celine na bagama't mahirap ay napakapositibo ng pananaw sa buhay. "Sa teleserye namin, matututunan nila kung paano dapat pahalagahan ang pamilya at kung paano abutin ang mga pangarap."
Samantala, mayaman at glamorosang si Margaux naman ang role ni Maja sa Ina Kapatid Anak. Aniya, "Kumikinang ang mga gamit ko dito, pero sa kalaunan ay matutuklasan ng mga manonood ang tunay na nasa loob ko."
Kung sa tunay na buhay ay patatag nang patatag ang pagkakaibigan nila Kim at Maja, matitinding tapatan naman ang magaganap sa mga karakter nilang sina Celine at Margaux sa kwento ng kanilang upcoming series.
Ayon kay Maja, dapat raw tutukan ng viewers kung malupit na bida-kontrabida nga ba siya sa Ina Kapatid Anak. Pahayag niya, "Maganda yung characters namin dito ni Kim kasi parehas kaming palaban at hindi namin hinahayaang apihin ang pamilya namin."
Dagdag naman ni Kim, bagong-bago para sa kanya ang role ni Celine. "Malayo ito sa mga characters na nagampanan ko kasi si Celine loud, madaldal, maingay, kanto girl. Kahit ako naiingayan ako sa sarili ko," ani Kim. "Kung sa My Binondo Girl ay pa-sweet ako at may kaya sa buhay, dito sa Ina Kapatid Anak sobrang mahirap talaga ako. So ibang-iba yung atake."
Bukod sa pinakaaabangang confrontation scenes sa pagitan nina Kim and Maja, marami na ring nananabik sa mga ka-love team nila. Sa Ina Kapatid Anak, muling makakatambal ni Kim si Xian Lim; samantalang makakapareha naman ni Maja sa kauna-unahang pagkakataon si Enchong Dee.
Nang tanungin kung may daring o love scenes bang magaganap sa kanilang teleserye, diretso lamang itong sinagot ni Kim. "Sa tine-taping kasi namin ngayon, teenager pa lang yung characters namin ni Xian. Later on, meron din siguro. Abangan na lang natin," aniya.
Ang Ina Kapatid Anak ay isang malalim na kuwento tungkol sa pamilya, pag-ibig, kapangyarihan, tunggalian at pagtanggap, ang nasabing teleserye ay magtatampok sa isang powerhouse cast na binubuo ng apat sa pinakasikat na young stars ng kanilang henerasyon na sina Kim, Xian, Enchong, at Maja; highly-acclaimed seasoned actors na sina Janice de Belen, Cherry Pie Picache at Ariel Rivera; at tatlo sa pinakanirerespetong veteran stars na sina Ronaldo Valdez, Pilar Pilapil, at Eddie Gutierrez. Ito ay sa ilalim ng direksyon nina Don Cuaresma at Jojo Saguin.
Ang Ina Kapatid Anak ay ipapalabas ngayong Oktubre sa Primetime Bida ng ABS-CBN.
No comments:
Post a Comment