Thursday, November 1, 2012

Aljur Abrenica admires brother Vin's determination to succeed on his own

Kapag araw ng Undas, kagaya ng tradisyong mga Pinoy, hindi nalilimutan ni Aljur Abrenica na bumisita sa puntod ng mga yumao nilang kamag-anak.

Kasama ang kanyang pamilya, taun-taon ay lagi raw siyang may panahon na gawin ito.

“Siyempre, uunahin po namin yung sa Batangas. Tapos diretso ng Pampanga,” sabi ni Aljur nang makausap ng Hot Pinoy Showbiz sa backstage ng Party Pilipinas last Sunday, October 28.



GHOST STORIES? Bahagyang nangiti si Aljur nang matanong kung meron ba siyang maikukuwentong katatakutan tungkol sa multo.

“Marami.  Pero… ayos lang. Okay na ‘yon. Ayoko na pong pag-usapan,” sabay ngiti niya.

May third eye siya?

“E… hindi naman, paminsan-minsan lang.

“Nakakaramdam ako at nakakakita rin, pero hindi tulad ng iba na 24/7 na nakakakita.”

Kapag ganung may kakayahan siyang makakita ng mga espiritu paminsan-minsan, maging mahirap kaya para sa kanya kung horror ang tema ng project na kanyang gagawin?

“Hindi ko lang alam. Siyempre lahat naman ng proyekto, pinaghihirapan natin ‘yan, e.

“At kung mabibigyan ako ng chance na gumawa ng isang project na horror, siyempre masaya.

"At… may background tayo diyan.”



LEARNING THE ROPES OF COMEDY. Maganda ang feedback sa Pinoy remake ng Coffee Prince na balik-tambalan nila ni Kris Bernal sa primetime.

Kumbaga sa kape, suwabe ang lasa at tamang-tama raw ang timpla ng nasabing primetime series ng GMA 7.

Sabi naman ni Aljur, “Hindi lang po ako kundi lahat kami sa cast, very happy po kami sa lahat ng naririnig naming positive comments.

“At very thankful kami dahil nga po yung pinaghihirapan namin, e, nakikita po namin ang magandang resulta.

“Pinaghihirapan po talaga namin ang Coffee Prince.

"And masaya sa set. Lalo pa kaming nai-inspire na pagbutihan pang lalo ang trabaho namin.”

First time lang ni Aljur na makagawa ng isang romantic-comedy series.  Malaki raw ang kaibahan nito kumpara sa TV projects na nauna niyang tinampukan noon.

“Para sa akin, mas mahirap yung romantic-comedy, e.

"Kasi nakasanayan po namin yung drama, yung action, yung fantasy.

“Ito kasing sa Coffee Prince, parang ang hirap magpatawa.

"At saka yung timing kasi ang hinuhuli, e.

“Kumbaga ako, hindi ko pa siya… si Kris, magaling, e.

"Ako, nangangapa pa ako.”

Pero malaking tulong daw para kay Aljur ang mga advice at tips na ibinibigay sa kanya ng direktor nilang si Ricky Davao.

“Lagi siyang nandiyan para sa akin.

“At saka si Direk Leo Martinez din na kasama namin sa cast, lagi siyang nandiyan din para alalayan kaming lahat.”



HAPPY WITH KYLIE? Ayaw man sana ni Aljur na matanong tungkol sa kasalukuyang estado ng kanyang lovelife, hindi pa rin siya makaiwas na mausisa tungkol dito.

“A… working, e,” aniya.

“Working. Nagtatrabaho pa rin po ako at trabaho muna ang focus ko.”

Pero okay pa rin ba sila ng matagal nang napapabalitang girlfriend niyang si Kylie Padilla?

“Maayos kami. Maayos naman po kami.”

      

Kaya happy siya ngayon?

“Masaya naman... masayang-masaya ako ngayon.”

Happy siya sa takbo ng kanyang career at sa takbo ng lovelife niya ngayon?

“Oo, masaya ako,” sagot ng Kapuso actor.



THAT'S MY BRO! Masaya rin daw si Aljur para sa younger brother niyang si Vin Abrenica, na nanalong Best Actor sa Artista Academy ng TV5.

At bilang pagpapakita ng suporta sa kapatid ay nagpunta siya sa Smart Araneta Coliseum sa finals night ng Artista Academy noong October 27.

Sabi ni Aljur, “Iyon po talaga ang nakapagpasaya sa akin—yung kapatid ko po.

“Kumbaga, hindi po ordinaryong nangyayari sa pang-araw-araw na buhay yung nangyari noong Sabado, sa final night ng competition na sinalihan niya.

"Kasi, dalawa na kaming nanalo sa competition.”

Si Aljur ay produkto ng reality-based artista seatch ng GMA-7 na StarStruck kung saan siya ang hinirang na Ultimate Hunk noong 2007.

Tagumpay na na-duplicate ng kapatid niyang si Vin nang manalo naman ito sa Artista Academy.

“Napakalaking karangalan po talaga na ibinigay sa amin ng Panginoon kaya labis-labis ang tuwa at pasasalamat ng buong pamilya namin.”

Apat silang magkakapatid. Posible rin kayang mag-artista o sumali rin sa talent search yung dalawa pa?

“May possibility rin po... hindi po natin masabi. Pero thankful po talaga ako.”

Ngayong artista na rin ang kapatid niyang si Vin, hindi kaya magkaroon ng professional rivalry sa kanila? Lalo at hindi maiiwasan ngayon na magkaroon ng comparison sa kanilang dalawa?

Sagot ni Aljur, “A, hindi na bago sa amin ‘yon.

"Nagsisimula pa lang po siya, pinagku-compare na po kami.

“Pinagku-compare kami kung sino ang mas magaling, kung sino ang mas guwapo.

“Pero para naman po sa akin, e… sa totoo lang po, sa nakikita ko sa kapatid ko, hindi ordinary yung ginawa niya.

“Para sa akin, mas magaling siya kesa sa akin. Mas hinahangaan ko siya.

“Kasi may pagkakataon na siya, may oportunidad na siya noon na makapasok bilang isang artista kung gusto niya.

"Pero mas pinili pa rin niya na sa ibang istasyon mag-try ng kanyang luck.

"Na pumila siya sa audition... pumila siya nang matagal. Nagkasakit pa siya.

“Pinagdaanan niya lahat ng hirap na hindi siya talaga humihingi ng tulong sa akin.

“Iyon yung hinangaan ko sa kanya. Napakalaki ng karangalang ibinigay niya sa amin.

"And… kumbaga, hindi pa tapos ‘yan, marami pa ‘yan. Nagsisimula pa lang siya.

"At sana hindi siya magbago katulad ng sinabi nga niya na… patuloy lang siyang mag-aaral, patuloy niyang paghuhusayan.

“Na hindi niya ile-let down yung mga tao sa paligid niya.

“At sana, manatili siyang mapagmahal sa pamilya, sa mga kapatid, at sa akin.

"Huwag na huwag niyang kakalimutan ang mga taong tumulong sa kanya. And he should always keep his feet on the ground.

“Proud kaming lahat talaga sa kanya.”          

No comments:

Post a Comment