Friday, March 16, 2012

Angel Locsin, Galit Kaya Kay Arnold Clavio

Aminado si Angel Locsin, bago pa man ginanap ang 28th PMPC Star Awards For Movies nitong Miyerkules, March 14, todong nerbiyos na ang nararamdaman niya being one of the nominees sa kategoryang Best Actress para sa mahusay niyang pagganap sa In The Name Of Love. Kaya naman ganoon na lang ang tuwa niya nang siya ang tawaging winner.

"Kinakabahan po talaga ako buong gabi," aniya nang makakuwentuhan namin. "Kahit noong nagpi-present ako, wala ako sa ulirat ko. Kasi ninenerbiyos nga po ako.

"Kasi para sa akin, ang gandang chance noong In The Name of Love. 'Yung acting, gusto ko po doon. 'Yung istorya.

"Nang nalaman ko na mga bigatin ang makakasama ko sa mga nominado - sina Anne (Curtis), Lovi (Poe), Ate Uge (Eugene Domingo) - parang, 'Kakayanin ko ba ito?' Maraming salamat talaga sa PMPC sa tiwala.  Pangalawang award ko ito.  'Yung una po sa TV (Star Awards For TV)."

Parang advance birthday gift na rin daw niya ang napanalunang award. Sa March 23 na raw kasi ang kaarawan niya. "At saka natutuwa ako kasi itong year na ito, pang-sampung taon ko na sa show business.  Tapos naalala ko na sinasabi ko dati sana kung susuwertihin ako, inabot ako ng sampung taon, sana makakuha naman ako ng acting award sa pelikula."

Any new projects coming up?

"Yes. May bago akong serye. Tapos may two movies din. Pero nothing final. Yung isang movie, kasama ko sina Bea (Alonzo), Toni (Gonzaga), and Angelika (Panganiban). Yung isa pang pelikula naman, surprise pa."

That time na kausap namin si Angel, natanong namin kung sino ang unang-unang nasa isip niyang tawagan para sabihin na nanalo siya as best actress?

"Una ang tatay ko. Pangalawa… si Phil (Younghusband)," nangiting sagot ng aktres. "Sasabihin ko sa kanya (Phil), may trophy rin ako, akala mo, ha!  Akala mo, kayo (Azkals) lang may trophy, ha!" napahalakhak na biro pa niya.

May celebration ba sila ni Phil na pinaplano kaugnay ng kanyang pagkapanalo bilang best actress at tungkol sa nalalapit niyang birthday?

"Sana. Kaya lang, baka March 21 pa ang uwi niya. Kasi, diba, may laban pa sila sa Nepal? "Qualified kasi sila sa semi-finals. Ngayon lang nangyari iyon. Happy ako for them (Phil at mga ka-team nito sa Azkals sa mga panalo ng mga ito sa mga bansang nakakalaban sa football). Pero siyempre nakaka-miss."

Sasalubong ba siya kay Phil sa pag-uwi nito sa Pilipinas?

"Depende kung wala akong ginagawa. Puwede naman kaming magkita kahit hindi ako sumalubong."

Ngayon sa ikalawang pananalo niya ng acting award, mas mataas na ang expectation sa kanya ng publiko. Na kailangan mas galingan pa niya this time.

"May award man o hindi, bilang trabaho mo, kailangan galingan mo talaga. Ibigay mo kailangan talaga ang hundred ten percent mo. As in itodo mo na, diba?

"Pero siyempre mas nakaka-inspire kapag may nakaka-appreciate sa mga ginagawa mo. Mas nagkakaroon ka ng lakas ng loob to explore on different kinds of roles. Pero parang hindi pa rin nga nagsi-sink-in sa akin na nanalo akong best actress. Nanginginig pa rin ako. Pero nakakangiti na ako. Unlike kanina bago mag-umpisa ang awards night. Kasi nga, buong maghapon akong ninenerbiyos.

"Kinakabahan talaga ako. At kagaya nga ng sinabi ko, uhm, umaasa ako siyempre na sana ma-appreciate 'yong talent.

 "Kasi parang minsan ka lang magkaroon ng chance na mabigyan ng sobrang gandang pelikula talaga na drama gano'n. Masayang-masaya talaga ako."

Not angry at Arnold

Pinag-uusapan lately ang mga statement niya sa kanyang Twitter account bilang reaksiyon sa negative na naging komentaryo ni Arnold Clavio tungkol sa Philippine football team na Azkals kung saan miyembro nga ang rumored boyfriend niyang si Phil Younghusband.

Nagalit nga ba siya kay Arnold?

"Mabait sa akin si Kuya Arnold. Mabait siyang tao talaga sa akin.

"'Yun lang, parang… siyempre naawa rin ako sa tao (kay Phil at iba pang miyembro ng Azkals).  Nagpapakahirap sa ibang bansa na lumalaban dala ‘yong pangalan ng Pilipinas. Tapos nakakalungkot na ang ibang tao pala, hindi tanggap na Pilipino sila, diba? So parang nalungkot lang at naawa ako.

"Kasi kapag nagki-care ka at nagmamahal ng tao, tapos nakikita mong nasasaktan, parang aalma ka.”

Ano ba ang mismong comment ni Arnold na for her ay offending ang dating?

"Naawa lang naman ako na porke ba half, hindi na Pilipino? Pilipino pa rin sila. Hindi naman sila makakalaban sa ibang bansa kapag hindi sila Pilipino, e.

"Uhm, kawawa rin naman ang ibang mga kababayan natin sa ibang bansa na porke ang nanay o tatay nila ay ibang lahi hindi pala sila Pilipino. So parang huwag namang ganoon.

"I'm sure hindi naman sinasadya ni Kuya Arnold 'yung statement niya. Siguro nadala lang siya. O wala siyang masamang intensiyon. Klinaro ko lang. Kasi siguro bilang journalist, maraming nakikinig sa kanya.  So, kawawa naman ang mga nadadamay na tao na wala namang ginagawang masama."

May isyung sexual harassment na naman kasi sa ilang miyembro ng Azkals. Pero hindi kasali sa usaping ito si Phil.

"Actually hindi ko siya kinakausap tungkol sa kung anumang isyu. Kasi alam kong masasaktan siya. May mga bali-balita na nalalaman din niya. Pero sa ngayon kasi, ang focus niya talaga sa laban. Kaya nga kawawa. Proud na proud na nire-represent ang Pilipinas. Mas Pilipino pa nga sa akin 'yon (si Phil), e.  Tapos hindi pala siya Pilipino sa tingin ng iba.

"So ang sakit. Ang sakit lang. Huwag naman sanang ganoon.

"Ang hirap din na pumapatol ako sa issue ng iba kapag mahal ko.  Pero kapag issue ko, quiet na lang ako. Pero iki-clear ko ang issue hindi po kami nag-aaway ni Sir Arnold. Wala pong ano - tingin ko po mabuting tao siya. In-express lang niya ang opinyon niya. Sinabi ko rin lang naman ang opinyon ko," ending na nasabi ni Angel.

No comments:

Post a Comment