Unti-unti nang niyayakap ni Daniel Padilla ang kanyang piniling propesyon na inamin niyang noong una ay hindi naman talaga niya gusto. “Nung una talaga wala akong balak mag-artista at hindi ko po talaga gusto, pero ngayon habang tumatagal talagang nararamdaman ko na pag itinigil ko ito marami akong taong (bibiguin),” simula ni Daniel nang mag-guest sa The Buzz nitong Linggo.
“Dahil po ito sa inyo kaya ko po ito itutuloy. Nakahanap na rin po ako ng inspirasyon para rito.”
Kasalukuyan ngayong napapanood si Daniel sa teleseryeng Princess And I at sobrang kinakikiligan ng marami ang team-up nila ni Kathryn Bernardo. Subalit sa kabila ng kasikatan ng kanilang love-team ay may mga hindi naniniwala at sinasabing promo lamang ang kanilang closeness.
“Sa akin ayoko ng kumbaga makapag-promo lang,” paglilinaw ng sikat na young actor. “Si Kathryn gusto ko po talaga, kung tratuhin ko si Kathryn para sa akin parang prinsesa talaga.”
Nang tanungin ni Charlene Gonzales si Daniel kung ano ang estado ng kanilang relasyon; kung magkaibigan lang ba, more than friends but less than lovers or magkarelasyon niya, sagot ni Daniel, “Hindi pa talaga (kami). Wala pa, hindi pa. Siguro ‘yun nga, special friends lang kami. Nagkakaintindihan lang kami sa mga bagay.”
Sundot na tanong ni Charlene kung ang ibig bang sabihin ng pagiging special friends nila ay mayroon na silang mutual understanding or MU. “Hindi ko po alam. Ayoko po sumagot. Di ko alam baka sabihin (ng iba) pag (sinabi kong) oo, assuming naman (ako), pag hindi (sabihin nila nagsisinungaling ako). Siguro. Ayoko pong maging assuming.”
Nang idugtong ng The Buzz host kung papunta na ba sa MU ang kanilang pagtitingingan, mabilis na sagot ni Daniel, “Sana.”
Hindi pa raw niya nasabihan ng “I love you” si Kathryn pero sigurado raw siya na alam ni Kathryn kung gaano kaespesyal ang dalaga sa kanya.
Ibinunyag din ni Daniel na kinausap siya ng ina ni Kathryn at pinayuhan na huwag magmamadali. “Sinabihan ako ni Tita na wag daw po muna dahil bata pa at may mga career. Sabi niya wag magmamadali, kumbaga dun kami nag-usap. (Sinabi ko), ‘Tita, walang problema, ako okay naman po maghintay.’” Handa raw siyang maghintay kahit gaano katagal.
No comments:
Post a Comment