Kumportableng-kumportable nang magkatrabaho ang magka-loveteam na sina Alden Richards at Louise delos Reyes.
Nakita ito ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nang bisitahin namin ang taping ng kanilang primetime series para sa GMA-7, ang One True Love, sa Batangas University, sa Lipa City.
Saksi kami sa pagbibiruan ng dalawa habang break sa kanilang set. Nakasuot ng college uniforms sina Alden at Louise nang makausap namin.
Paano sila naging close, gayon at may nali-link na iba kay Louise—si Enzo Pineda—at wala namang girlfriend si Alden?
Sagot ni Alden, “Siguro po dahil simula nang magsama kami ni Louise sa Alakdana, na-maintain namin ang friendship.
“Sa personal life naman namin, hindi namin ito isinasama sa work namin, naging professional lang kami.”
Dagdag ni Louise, “Saka, after po ng Alakdana, kami na talaga ang pinag-loveteam ni Alden.
“Magkasama kami sa Party Pilipinas, sa mga GMA regional shows, sa My Beloved...
"At hindi pa tapos ang My Beloved, nagsimula na kaming mag-taping nitong One True Love.”
FIRST KISSING SCENE. Kaya kung close na sila noon, mas naging close daw sila ngayon.
Hindi na nga raw sila nailang nang i-shoot ni Direk Andoy Ranay ang first kissing scene nila na tumagal ng one minute.
“Nag-enjoy si Alden sa lips ko!” birong wika ni Louise. “Joke lang po. Siguro, wala na po kasi kaming ilangan ni Alden.”
Anong preparations ang ginawa nila bago ang kanilang kissing scene?
“Wala naman po,” sabi ni Alden.
Tapos, idinagdag nito, “Siyempre, mag-toothbrush bago po ang kissing scene.
"Tapos meron lang kaming mint drops na ipinapatak sa lips namin. Hindi na po yung tulad ng dati na fresh breath ang ginagamit ko, na naging acidic pa ako.”
EXTENDED. Mae-extend pa raw ng 2 weeks ang One True Love mula sa original na 8 weeks, pero naging 10 weeks na.
Kaya magiging one season na rin ito sa pagtatapos ng Agosto.
Pero marami pa raw twists na mangyayari at magkakaroon ng pagbabago sa mga role na ginagampanan nina Alden as Tisoy at Louise as Elize.
Sabi ni Alden, “Patutunayan ko po sa story kung gaano ko kamahal si Elize.
"Kahit may sakit akong dyslexia, babalik ako sa school at ipagpapatuloy ang pag-aaral ko hanggang sa matuto na akong bumasa at magsulat.
"Tinulungan ako ng hindi ko nakikilalang ina, si Ellen [Jean Garcia].
"At ang teacher ko pa rin, si Tita Ana Capri, tutulungan niya ako para yumaman at mabalikan ko si Elize.
"Medyo po may lukso na ng dugo sa akin ang tunay kong ina.”
Sabi naman ni Louise, “Ako naman po, may mga mararamdaman ako na pagbabago na, minsan, nakakalimutan ko ang nangyayari sa akin, humihina ang memory ko.
"Hindi ko pa alam kung maku-cure ito o ito na ang magiging ending ko sa story.
"Kung ako po ang tatanungin, gusto kong maiba naman ang love story namin ni Tisoy, hindi tulad ng usual na happy ending.”
Maraming mahihirap na eksenang pinagdaanan sina Alden at Louise, at ang isang hindi nila malilimutan ay nang tatalon dapat sila mula sa isang mataas na cliff.
Kuwento ni Alden, “Nagpa-double po kami doon ni Louise dahil ayaw ding pumayag ni Direk Andoy, kasi 50 feet po ang taas ng cliff!
"Pero yung paglangoy, hindi na ako nagpa-double, kahit nahiwa yung isang paa ko ng coral reef sa lugar na nilangoy namin.”
Dagdag naman ni Louise, “Nagpa-double po ako doon sa nakalutang na lang ako.
"Kasi sa story, nawalan ako ng malay nang tumama ang ulo ko sa rock sa ilalim ng tubig.
"Marunong naman po akong lumangoy, pero takot ako kapag hindi makapa ng paa ko ang lupa.”
Hindi rin daw iniinda nina Alden at Louise ang mga sampal at suntok na napapanood sa kanila.
Wala raw iyon dahil parte lamang daw ng kanilang trabaho.
Gusto nga raw nilang tinototoo ni Agot Isidro (bilang Leila) ang sampal sa kanila.
Sabi ng dalawa, karangalan sa kanila na masampal sila ng mahuhusay na aktres na tulad nina Agot at Jean.
Pagdating naman daw sa mga suntok ni Raymond Bagatsing (bilang Carlos) kay Alden, mahusay raw umarte ang beteranong aktor at sanay na rin daw siyang umiwas.
SAVING UP. Kung si Louise ay may gagawing pelikula, ang Basement, si Alden naman ay hindi pa alam kung ano ang susunod niyang project.
Pero may mga bago raw siyang endorsements, kaya ipon daw siya nang ipon ngayon.
Gusto raw niyang makaipon para makapagpatayo ng bagong bahay para sa kanyang pamilya.
Sabi pa ni Alden, “Pero gusto ko po munang makabili ng bagong car, isang Starex limousine bago mag-Christmas.
"Pero ang Honda Civic 2002 na ginagamit ko ngayon, hindi ko po ibebenta dahil malaki ang naitulong nito sa akin. Hindi pa ako ipinahiya nun."
No comments:
Post a Comment