Friday, August 10, 2012

Marian Rivera Join Relief operation

Pansamantalang kinalimutan nina Kris Aquino at Marian Rivera ang kanilang trabaho upang magbahagi ng tulong sa mga kababayan nating nasalanta ng masamang panahon.

Malaking bahagi ng Pilipinas ay binaha dulot ng malakas at tuluy-tuloy na pag-ulan simula pa noong Lunes, Agosto 6.


KRIS WITH PNOY. Imbes na mag-organisa ng sarili niyang relief operations, minabuti ni Kris na sumabay sa kanyang nakatatandang kapatid na si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa pamamahagi ng tulong sa ilan nating mga kababayan.

Umikot ang magkapatid sa iba’t ibang evacuation centers sa Metro Manila kahapon, Agosto 8.

Ayon sa artikulong lumabas sa ABS-CBN News kahapon, bukod sa mga pinamiling relief goods ay nagdala pa si Kris ng groceries na mula sa kanilang bahay.

“Nag-volunteer ako talaga kay Presidente na samahan siya," sabi ni Kris.

“And kanina, bago nagpunta dito, nakapag-supermarket din ako para kami din mismo, hindi lahat iaasa sa DSWD [Department of Social Welfare and Development], dahil kukulangin talaga.

"So mayroon din kaming dala na personal, galing sa pamilya namin.”

Sabi pa ng tinatawag na Queen of All Media, mas makabubuti kung nakikita mismo ni PNoy ang kalagayan ng mga naapektuhang lugar.

Paliwanag niya, “Natatanong niya sa kanila kung ano ba talaga ang problema at ano ang puwedeng itulong.

“Ang sinabi nga niya, nung itinuturo nila na yung baha nga, bigyan daw muna ng isang linggo para maayos ang problemang iyon.”

Bukod sa pagsama sa Pangulo, sasama rin si Kris sa relief operations na isasagawa ng iba pang Kapamilya artists.

“Alam niyo, I’m very proud of ABS-CBN,” pagmamalaki ng actress-TV host.

“Kasi on my way here, ka-text ko ang ating channel head, and they were on their way to San Mateo [Rizal]. And tomorrow, kasama ng ibang mga artista, may mga lilibutin.

“I think nakagawian na natin talagang mga Kapamilya, nandoon talaga tayo para tumulong.”

Ang pakiusap naman ni Kris sa iba nating kababayan na hindi nasalanta ng masamang panahon: “Sana, of course, dapat nating ipagdasal kasi three years ago lang yung ganito kalala."

Ang tinutukoy ni Kris ay ang bagyong Ondoy na sumalanta sa Pilipinas noong 2009.

Dagdag niya, "Sana naman talaga nagsisimula din 'yan sa disiplina ng mga tao about waste management and 'yong tamang pagdinig sa mga warnings na ibinibigay sa atin.”

MARIAN WITH RED CROSS. Samantala, ang Kapuso actress na si Marian Rivera ay sumama sa ginawang relief operations ng Red Cross—sa pangunguna ni Chairman Richard Gordon—kahapon, Agosto 8, sa Tatalon, Quezon City.

Hindi ipinaalam ni Marian ang pagkakawanggawa niyang ito, ngunit dahil na rin siguro sa kanyang mga fans ay natunton ng media kung nasaan siya.

Ayon sa ulat ni Nelson Canlas sa Unang Hirit ngayong umaga, Agosto 9, sinabi ni Marian na bilang isang Red Cross volunteer, ang magandang paraan upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan ay sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa.

Itong darating na Agosto 12 ang ika-28 na kaarawan ng aktres.

Ani Marian, “Nagpunta ako rito hindi bilang artista. Nagpunta ako rito para tumulong sa kanila, magbigay ng pagkain, at para maiparamdam sa kanila na anuman ang nangyari sa kanila, nandiyan ang Red Cross para sa kanila.”

No comments:

Post a Comment