Friday, October 19, 2012

Marian Rivera takes on new challenge as host of reality show Extra Challenge

Bagung-bago para kay Marian Rivera ang ginagawa niya sa kanyang bagong programa sa GMA-7, ang Extra Challenge. 

Unang pagkakataon ni Marian na maging host at sa isang reality show pa. Kasama niya rito sina Richard Gutierrez at Boobay.

Nakausap ng Hot Pinoy Showbiz at iba pang entertainment press si Marian sa press conference ng Extra Challenge kahapon, October 18, sa Studio 7 ng GMA Network.

Bilang host, si Marian daw ang tatayong “kakampi” ng mga celebrity na sasabak sa challenges.

Sabi ni Marian, “Sa Extra Challenge, ako ang kakampi ng mga challengers.

“Ako yung mga tinatarayan, taga-sambot ng mga gusto nilang sabihin.

“Si Chard kasi, siya yung mechanics, so parang ako naman, suporta.”

Aminado naman si Marian na bilang baguhan sa hosting ay medyo nahirapan din siya.

“To be honest, nahirapan din ako.

“Hindi biro ang mag-hosting at saka wala kaming prompter.

“Sosolohin mo talaga ang nangyayari sa buong araw na yun.

“Ibibigay sa ‘yo ang script, ime-memorize mo yun.

“On the spot, ‘Ano ang kailangan mo?’

“Kasi, hindi mo naman mape-predict ano ang gagawin ng challengers at kung tatagal ba ‘yan, magagalit sa ‘yo.

“So, kailangan aware ka sa mga ganoon at kailangan, sharp ang mind mo sa pag-entertain sa kanila.”



CELEBRITY CONTESTANTS. Sa teaser na ipinalabas, tila natarayan o nasungitan siya ng celebrity challenger na si Alessandra de Rossi.

Kasama ni Alex sa unang episode sina Kylie Padilla, Rafael Rosell, at Dennis Trillo.

Pero paglilinaw ni Marian, “Actually, si Alex, hindi.

"Kapag pinanood n’yo ang buong episode, kami ni Alex ang chikahan nang chikahan.

“Wala, e, lahat sila palaban.

“Medyo sa bandang huli lang medyo nagkaroon ng problema dahil yung challenge namin, patindi nang patindi.”

Naka-bonding din daw ni Marian si Kylie Padilla.

“Tanungin n’yo siya, nagkaroon kami ng konting bonding ni Kylie at nagkaroon kami ng chikahan tungkol sa lovelife namin.

“So, nakakatuwa lang na nag-open up siya at ako naman, super advice sa kanya.

“Malaki rin ang nagagawa ng Extra Challenge sa buhay ko, to think na first episode pa lang ‘to.

“Kasi, nagkakaroon ako ng bonding sa mga hindi ko nakakasamang artista.

“Like Kylie Padilla, first time ko siyang ma-meet at hindi ko alam na ganoon pala siya ka-sweet.

“Yung age niya, e, parang nineteen years old pa lang pala ang batang yun.

“Si Dennis naman, given na ‘yan. Si Rafael, first time ko rin naka-bonding.

“May mga moment kasi na may ginagawa ang mga challenger na naiiwan ang iba.

“May time na kami ni Rafael ang nagkukuwentuhan o kaya naman with Alex, chikahan kami nang chikahan.

“Sabi ko nga, ang saya, parang bonus ito sa akin na magkaroon ako ng bonding sa mga hindi ko pa nakakasama.”

Sina Dennis at Rafael ay “kapatid” ni Marian sa talent manager nilang si Popoy Caritativo.



BLOODY MARIAN. Bilang host naman, inisip daw ni Marian na posibleng pagawan din sila ni Richard ng mga challenges, lalo na noong tanungin sila kung ano ang mga ayaw o kinatatakutan nila.

“Noong tinanong ako kung ano ang kinakatakutan ko, ay, parang kinakabahan ako!

“Parang kami yata ang papagawan ng ganitong challenge.

“Ako kasi, ayoko lang makita na may sugat o nagdurugo something ang katawan.

“Takot ako sa sarili kong dugo. Yung sa iba, okay lang.

“Kasi, experience namin ni Popoy, naghuhugas ako ng plato, tapos nahiwa ako, lumabas yung laman, tapos nagdugo yung kamay ko.

"Nag-hysterical na ‘ko!

“So, dun ko na-realize na hindi ko pala kayang makakita ng dugo sa sarili ko.

“Pero yun lang naman, the rest naman ay mukhang kakayanin ko naman.”



RICHARD AS CO-HOST. Kumusta naman ang co-host niyang si Richard Gutierrez? Inaalalayan ba siya nito?

“Sobra!” sambit ni Marian.

“Ang arte-arte nga niyan! ‘Okay ka lang?’ ‘Oo, okay ako.’ ‘Sigurado ka?’

“Parang siya pa ang palaging nagwo-worry.

"At, sabi ko, first time kong mag-hosting, alalayan niya ‘ko.

“Sabi niya, ‘Hindi mo na kailangang sabihin kasi nandito naman ako.’

Sinasambot niya ako minsan. Sinasambot ko rin siya.

“May ganun kaming moment kaya nagra-run through kami ng script.”

Sa palagay niya, sino ang mas matapang sa kanila ni Richard?

“Iba, e,” sagot ni Marian.

“E, siya, takot siya sa durian; ako, hindi ako takot.

“Ako, takot sa dugo; siya hindi.

“So, parang pantay lang. Pantay lang.

“Pero siyempre, lalaki ‘yan, e. Mas maraming kayang gawin ang mga lalaki kesa sa babae.”



DINGDONG DANTES. Ang boyfriend ni Marian na si Dingdong Dantes ang tila mas nag-aalala para sa kanya. Sinabi rin ng aktor na masyado raw palaban si Marian.

Nakangiting sabi naman ni Marian, “Siyempre, noong tinanggap ko ‘to, ang saya-saya ko, nai-share ko sa kanya.

“Sabi niya, ‘Isa lang ang hiling ko sa ‘yo, ingatan mo ang sarili mo kasi alam ko na palaban kang tao.

“’Parang lahat ng sabihin sa ‘yo, gagawin mo. Pero sana, yung safe ka naman.’

“Although safe itong Extra Challenge, kasi may dry-run kaming tinatawag na bago namin ipasubok sa mga artista, ginagawa muna.”

Dagdag pa ni Marian, “Si  Dong naman, palagi lang siyang nagpapaalala na ‘you take care, ingatan mo ‘yang sarili mo.’

“Kasi siyempre, ano kami, gubat-gubatan, mga bato-bato, tubig.

“So, kahit kami, hindi rin namin malalaman kung ano ang mangyayari sa amin.

“So, kailangan naming mag-ingat din sa ibang challenges.”

Kung contestant si Dingdong, anong challenge ang gusto niyang ipagawa rito?

“Long kiss!” natatawang sagot ni Marian.

Pero dugtong niya, “Ano ka ba, si Dong din ang tipo ng taong palaban. Walang inuurungan yun.

“Maliban na lang sa isang bagay, sa isang hayop—daga!

“Ang alam ko, hindi siya takot sa daga, pero nandidiri siya sa texture ng daga.”

No comments:

Post a Comment