Paalam, Dolphy.
Inihatid na sa kanyang huling hantungan ang labi ng Comedy King na si Dolphy ngayong hapon, July 15, sa Heritage Park sa Taguig, City.
Ilang minuto bago mag-alas dos inilabas ang kabaong mula sa kapilya kunsaan ibinurol ang mga labi ng yumaong aktor. Habang inilalabas ang kabaong ay sinasabuyan naman ito ng mga puting bulaklak ng mga nakipaglibing.
Wala pang isandaang metro ang layo mula sa chapel ang puntod na pinaghimlayan ng mga labi ng Comedy King, kaya naman inabot lamang ng halos limang minuto ang funeral procession.
Nakaputi ang lahat ng mga nakipaglibing, kabilang na ang mga anak at kapatid ni Dolphy, maliban sa kanyang parner na si Zsa Zsa Padilla na nakasuot ng itim na damit.
Nangunguna sa funeral procession si Zsa Zsa at mga anak na sina Zia at Nicole Quizon; ang mga anak ng Comedy King; at ang mga aktres na sina Maricel Soriano at Maybelyn dela Cruz.
Kabilang naman sa pallbearers ang matalik na kaibigan ni Dolphy na si Mayor Alfredo Lim.
Pagkatapos ng maikling bendisyon ni Father Larry Faraon ay isinagawa na ang final viewing para sa immediate family lamang ng Comedy King.
Naging emosyunal ang bahaging ito para sa mga kaanak ni Dolphy—lalo na ang bunsong anak na lalaki nito na si Vandolph—ngunit kapansin-pansin ang pagiging kalmado ng kanyang biyuda na si Zsa Zsa.
Kasabay na sumilip ni Zsa Zsa sa huling pagkakataon ang mga anak nila ni Dolphy na sina Nicole at Zia.
Pagkatapos nito ay niyakap ni Zsa Zsa ang kabaong ng kanyang "lovey" ng ilang sandali sa huling pagkakataon.
Huling sumilip si Mayor Lim at sinaluduhan niya ang kabaong ng Comedy King bilang pagbibigay-pugay.
Pagkatapos nito ay isinara na ang kabaong para maisilid sa puntod nito na gawa sa black granite at nagkakahalaga diumano ng P380,000. Ang sukat nito ay 2.5 meters long at 1.5 meters wide. Ang mismong burial site naman ay 39 square meters.
Kung noong mga nakaraang araw ay hindi nakita ng publiko na umiyak si Eric Quizon, sa pagkakataong ito ay bumuhos na ang luha ng tumayong spokesperson ng pamilya Quizon.
Ngunit pinaalalahan ni Father Faraon ang mga nakipaglibing na ang nais ng Comedy King ay maging masaya ang pagpapaalam nila sa kanya. Kaya naman sinabihan niya ang mga ito na sumigaw ng "Hep, hep hooray!"
Bago isilid sa kanyang puntod ang labi ng Comedy King ay nagbigay ng maikling mensahe si Zsa Zsa.
Pagkatapos magpasalamat sa lahat ng mga nakiramay ay nagpaalam siya sa yumaong partner sa pamamagitan ng pagsasabi ng "I love you, lovey ko."
Dagdag pa ng Divine Diva, "Until we meet again."
Sa background naman ay maririnig ang awiting "Seasons of Love" mula sa musical na Rent habang sinisilidan ang puntod ng Comedy King. Nagpakawala rin ng mga puting kalapati.
Sa bandang huli ay naging magaan na ang mood sa libing. Sa isang punto pa nga ay nakitang ngumiti si Zsa Zsa habang kausap ang kanyang mga anak.
Sa July 25 ay ipagdiriwang sana ni Dolphy ang kanyang 84th birthday.
No comments:
Post a Comment