Wednesday, September 26, 2012

Coco sobrang concern kay Julia Montes

MULA sa pagiging pa-tweetums na tween actress ay sasabak na sa medyo mature na role si Julia Montes sa teleseryeng Walang Hanggang kung saan kapareha niya si Coco Martin.

16-anyos lang si Julia kaya inusisa siya ng press kung anong mga limitasyon niya pagdating sa paggawa ng intimate scenes.

“Limits? Siguro, ayoko pong magsalita. Pero ‘yun po ‘yung dapat aba­ngan sa Walang Hanggan.

“Kasi, ibang-ibang karakter po talaga ‘yung ipapakita ko rito. Kumbaga, ibang Julia po, from Mara Clara, Growing Up, ibang-iba po talaga sa Walang Hanggan,” bulalas ni Julia sa presscon ng nasa­bing teleserye kamakalawa nang gabi.

Anong sabi ng lola niya ngayong gagawa na siya ng mga mapa­ngahas na eksena at magkakaroon sila ng kissing scene ni Coco?

“Go lang si lola, lagi lang nakabantay sa set. Ha! Ha! Ha!”

Walang problema sa lola niya kung magkaroon man sila ng intimate scenes ni Coco?

“Wala naman po, kasi nakilala na rin po niya noon pa si Coco,” sey ng dalaga.

Ayon kay Julia, natuwa ang pamilya niya dahil hindi ine-expect ng mga ito na ito ang kasunod niyang show at ganito kalaki. Sobrang saya ng mga ito at may tiwala siya sa mga nasa likod ng programa na aalagaan siya.

May posibilidad bang madebelop sila ni Coco sa isa’t isa?

“Siyempre ano naman po, ayoko rin pong magsalita nang tapos. Pero ngayon po kasi, masaya lang talaga ako na nakatrabaho ko siya ulit.

“Kasi, hindi talaga siya nagbago. At mas nakikilala ko pa po siya ngayon.”

***

Bago naging Kapamil­ya stars sina Julia at Coco ay nagkakilala na sila at nagkasama sa trabaho.

Totoo bang niligawan ni Coco si Julia nu’ng mga panahong ‘yon?

“Hindi naman. Ilang taon pa lang si Julia nu’n! Ha! Ha! Ha!” natatawang reaksyon ni Coco.

“Hindi, si Julia kasi, sa kabilang channel, I think sa Channel 13, nu’ng hindi pa kami ganito ka-established, nagkasama na kami sa Pangarap Kong Jackpot. ‘Yung mga ganu’n-gano’n.

“Basta sa show na ‘yon, mga dalawang beses yata kaming nagkatrabaho. Siyempre, nagkakasama kami, ayun, na­ging magkaibigan kami. Pero ligawan, wala. Sobrang bata niya pa nu’n.”

Reaksyon ni Julia sa sinabi ni Coco, “Wala po, wala talaga.”

Kumusta si Julia nga­yon bilang kapareha niya sa Walang Hanggan?

“Natutuwa ako kay Julia, kasi open siya, eh. Kasi siyempre, kami ang mag-partner, kailangan magkaroon kami ng rapport. Si Julia kasi, nakikinig and willing matuto.

“Kumbaga, dahil kailangan naming magtulu­ngan at mag-share sa isa’t isa, kapag may mga eksena kami, ako kasi, concerned ako sa bawat pro­ject ko.

“At ang ginagawa ko talaga, sobrang alalay ang ginagawa ko kay Julia.

“And then siyempre, merong mga intimate scenes na ginagawa kami. Siyempre, pinararamdam ko sa kanya kung gaano ako ka-professional pagdating sa trabaho.

“Ayoko namang ma-offend siya. Baka mamaya, isipin niya, nagti-take advantage ako sa mga eksena.

“Ang nakakatuwa sa kanya kasi, nagsi-sharing kami ng mga idea sa trabaho namin,” masiglang tsika ni Coco.

Alam ng lahat na medyo malayo ang agwat ng edad nilang dalawa. Paano in-adjust ni Coco ang sarili niya para mag-blend at bumagay sila ni Julia sa isa’t isa?

“Hindi naman po gaanong mahirap, kasi 2 years lang naman po ‘yung agwat ko, eh. Ha! Ha! Ha!

“Hindi, sabi ko nga, kailangan kong mag-adjust para kay Julia. Para siyempre maging maganda ‘yung rapport namin, maging maganda ‘yung kombinasyon naming, lalo na ‘pag pinapanood sa screen.

“Effort talaga. Kailangang trabahuhin. Kailangang pag-aralan ‘yung karakter para mag-blend po kami.”

Ayon kay Coco, hindi lang ‘yung physical look niya ang kakaiba rito kundo pati ang akting na ipapakita niya.

“Sabi ko nga, ito ‘yung isa sa pinakabagong experience ko sa paggawa ng soap. Kasi kadalasan, parang lagi akong kontrabida, lagi akong galit, lagi akong intense, lagi akong umiiyak.

“This time, susubukan ko namang magpainlab. Kasi dito sa Walang Hanggan, ‘yung karakter ko, laging nakatawa, laging feel good, gano’n.

“Masarap palang gumawa ng love story, kasi ang sarap nu’ng everytime na dumarating ka sa set, ang gaan-gaan. Parang pakiramdam ko, hindi ako nagti-taping.

“Kasi minsan, siyempre bilang artista, nadadala mo sa bahay at naisasabuhay mo na ‘yung bawat karakter na ginagampanan mo. Dito, kaya magaan ako, kasi nga, magaan din ‘yung ginagawa ko ngayong trabaho.”

Sa totoong buhay, paano ba magpainlab ang isang Coco Martin?

“Siyempre, nagbibi­gay ka ng mga small things na alam mong maa-appreciate nu’ng tao. Gano’n.

Mga simpleng bagay lang. Hindi ko pa natatanong kay Kuya Richard (Gomez, co-star nila sa show) kung paano ‘yung mga style na dapat gawin, eh! Ha! Ha! Ha!”

No comments:

Post a Comment