Wednesday, September 26, 2012

Julia Montes iniitriga dahil kay Coco Martin

Sa Lunes pa magsisimulang mapanood ang bagong serye ng ABS-CBN 2 na Walang Hanggan, pero mahigit isang linggo na raw na nakakatanggap ng hate messages ang isa sa mga bida na si Julia Montes.


May kinalaman sa pagpu-protray niya ng mature role ang pagsulpot ng mga hate messages at negative comments sa mga social networking sites.

Ayon sa dalaga, binabatikos siya dahil sa pagdadalaga na niya sa serye, lalo na ang pagiging love team kay Coco Martin.


Kuwento sa amin ni Julia, kung anu-ano na raw pangalan ang itinatawag sa kanya ng mga taong hindi niya kilala. Hindi malaman ni Julia kung nagmamalasakit ang mga ito sa kanya o dahil ayaw lang ng mga itong makatambal niya si Coco.


Sigurado si Julia na hindi fans ni Coco ang mga haters niya dahil suportado naman siya ng mga ito. At dahil sa mga negative comments na nababasa niya, minabuti niyang huwag na lang buksan ang kanyang Twitter at Facebook, para hindi siya maapektuhan.


Nililinaw ni Julia na hindi siya lalabag sa moral values bilang 16 years old pa lang. Alam naman daw ng ABS-CBN 2 ang kanyang estado kaya panatag ang loob niya.


Hindi lang muna gusto ni Julia na kumpirmahin kung anu-anong mga kilig scenes nila ni Coco para raw hindi ma-preempt ang mapapanood na mga eksena. Ayaw ring magdetalye ni Julia sa napapabalitang mga kissing scenes nila ni Coco, pero ayon sa kanya ay malaking challenge sa kanya ang role niya sa serye.


Nagpaliwanag din si Julia sa mga pumupuna na nagmamadali siyang magdalaga para sumikat agad at maungusan ang ka-rival niyang si Kathryn Bernardo.

Sabi ng young actress, nagpapasala­mat siya sa ABS dahil base sa mga narinig niyang comment ng istasyon tungkol sa kanya, na kaya niyang gawing mag-shift ng iba’t ibang character.


Samantala, inamin ni Julia na naging madalang na ang pagkikita nila ni Enchong Dee dahil sa taping ng kanyang serye. Pero patuloy pa rin daw ang communication nilang dalawa.


Inamin ni Julia na may intension na manligaw sa kanya si Enchong base sa ginawang pag-amin umano ng actor sa isa sa mga nakaraang interviews nito.

Hindi binasted ni Julia si Enchong, pero sinabi niya rito na hintayin muna ang pagtuntong niya ng 18. Sa edad na ito raw puwede na siyang tumanggap ng manliligaw.


Sa ngayon, gusto raw niyang tuparin ang pangako niya sa lola niya na hindi muna siya magpapaligaw hangga’t hindi pa siya ganap na dalaga.

Ayaw rin ni Julia na sa murang edad niya, masalang na siya sa kung anu-anong isyu tungkol sa pag-ibig.


Ready si Julia na ma-link kay Coco Martin. Pero, nasisiguro niya na hanggang trabaho lang ang romansa sa pagitan nila.

No comments:

Post a Comment