Nagsisimula pa lamang si Vhong Navarro bilang komedyante ay marami na siyang natutunan mula sa yumaong Hari ng Komedya na si Dolphy.
Ang dating sitcom ng ABS-CBN na Home Along Da Riles, na pinagbibidahan ni Dolphy, ang unang comedy show na kinabilangan ng Streetboys dancer na si Vhong.
Bilang isa sa mga cast ng programa, madalas daw sinasabi ng beteranong komedyante sa kanila na huwag dadalhin ang mga personal na problema sa trabaho.
“Totoo ‘yong sinasabi niya na kapag tumatawa ka, nakakahawa, e.
"At sa kanya ko rin nalaman na ang problema ay iniiwan sa bahay, bilang komedyante, ha.
“Kasi, hindi mo magagamit ‘yon sa labas ng bahay kapag may problema ka, para sa aming mga komedyante,” sabi ni Vhong.
Nakapanayam siya ng Hot Pinoy Showbiz at iba pang media bago ganapin ang necrological service para sa Comedy King kahapon, July 11, sa Dolphy Theater sa loob ng ABS-CBN compound sa Quezon City.
Dagdag pa niya, “Kaya, di ba, parang ang sarap magpatawa, ang galing mong magpatawa?
“Pero hindi alam ng mga tao, ‘yong mga nagpapatawa na ‘yon ay mas mabigat ang problema niya sa’yo.”
POTENTIAL COMEDIAN. Noong mga panahong magkasama sila sa Home Along Da Riles, nadama rin daw ni Vhong ang pagkilala ni Comedy King Dolphy sa kakayahan niyang magpatawa.
Kuwento ni Vhong, “Napakasarap ng pakiramdam na ‘yon kasi naramdaman ko ‘yon, e, noong nagho-Home Along ako.
“Kasi noong time na nagho-Home Along ako, tatanggalin ako.
“Nakita ko ‘yong paglalaban niya sa akin. In-explain niya sa akin kung bakit ako tatanggalin, pero ayaw niya.
“‘Yong napaliwanag na sa kanya kung ano ‘yong dahilan, siya na ‘yong nag-explain sa akin kasi ayaw ko rin umalis.
“Parang wala rin akong pakialam that time kung ano ‘yong gagawin, kung ano ang gagawin ko kung bakit ako aalisin sa Home Along.
“Kasi at that time, wala naman akong [ibang gusto]. Ang gusto ko lang ay makasama ‘yong idolo ko at saka ‘yong family.”
Ang tinutukoy ni Vhong ay pag-alis niya sa Home Along Da Riles para maging bahagi ng Spice Boys.
THE ONLY KING OF COMEDY. Napaluha naman si Vhong nang banggitin sa kanya na isa siya sa mga hinahangaan ni Dolphy na mga bagong komedyante.
Dahil dito, sabi niya, “Gusto ko lang magpasalamat sa tiwalang binigay niya sa akin.
“Naniniwala siya sa kakayahan ko bilang isang comedian.
“Kaya nga sana sa mga taong hindi naniniwala sa mga comedian, mahirap na trabaho po ang pagpapatawa, e, kasi tao lang din po kami.
“Mayroon din po kaming mga problema, pero hindi namin pinapakita sa inyo na may mga problema kami dahil ang gusto namin ay mapasaya kayo dahil ‘yon ang trabaho namin.”
Ayaw rin isipin ng TV host-comedian ang minsang nabanggit ni Dolphy na isa siya sa mga maaaring pumalit sa kanyang puwesto.
Sabi ni Vhong, “Siyempre, para manggaling sa hari ng komedya na sabihin niya ‘yon, napakasarap marinig.
“Pero walang papalit sa trono niya, e.
“Siya lang kasi ang Hari ng Komedya. Wala nang ibang papalit doon kahit sino.”
DOLPHY’S LEGACY WILL CONTINUE. Bilang pagbibigay-pugay sa naging kontribusyon ni Dolphy sa industriya ng komedya, nangako si Vhong na ipagpapatuloy niya ang pagpapatawa sa mga Pilipino.
Kuwento pa niya, “Noong pumunta kami sa ICU ni Smokey [Manaloto], kinausap kami ni Tita Bibeth [Orteza], ‘Sana kung anuman ang mangyari kay Tatay Dolphy, ituloy natin kung ano ‘yong sinimulan niya.’
“At ito na nga, ang ABS-CBN ibinalik na ulit ang sitcom kaya kahit papaano nandiyan pa rin ang komedya.”
Sa ngayon ay bahagi si Vhong ng lingguhang sitcom sa ABS-CBN na Toda Max.
Sa huli, sabi ni Vhong, “Gusto ko lang din sabihin kay Tatay na kung ano ang sinimulan niya, hindi natin iiwan ‘yon. Itutuloy namin ‘yon sa mga bagong generation ng comedians.”
No comments:
Post a Comment